Delima

De Lima nananawagan kay PBBM na tutukan mga problemang iniwan ng dating administrasyong Duterte

Mar Rodriguez Jul 28, 2025
309 Views

NANANAWAGAN si neophyte Mamamayang Liberal (ML) Party List Representative Leila M. de Lima kay President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para tutukan nito ang mga pangunahing problema ng bansa na minana sa dating administrasyong Duterte.

Sinabi ni De Lima na dapat pagsikapan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na maisulong ang mga kinakailangang reporma sa ating bansa bunsod ng pinaniniwalaan nitong kawalan ng “good governance” dahil sa patuloy na pamamayagpag ng korapsiyon.

Pagbibigay diin ng kongresista na napakaraming kapalpakan ang kinakailangang ayusin ng administrasyong Marcos, Jr. na minana at iniwan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte kung kaya’t dapat tutukan ang pagsasa-ayos sa mga naturang problema.

“Ang dami nating minanang kapalpakan at maraming iniwang problema ang dating administrasyong Duterte. Kailangan ng isang lider na alam na alam ang direksiyon. Ang pokus nito ay sa pagkakaroon ng good governance,” wika nito.

Ayon sa dating Justice Secretary, lalong nagkawindang-windang ang pamahalaan sa ilalim ng dating administrasyong Duterte. Kung saan hanggang sa kasalukuyan ay nananatili ang korapsiyon sa pamahalaan na dapat tutukan ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.

Kasabay nito, muling nagpahayag ng pagkadismaya si De Lima patungkol sa naging desisyon ng Korte Suprema sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte matapos ikatuwiran ng Mataas na Hukuman ang di-umano’y technicalities.