Supreme Court

3 senador umapela sa Korte Suprema: Baligtarin desisyon sa impeachment ni VP Sara

398 Views

NANAWAGAN sina Senador Francis “Kiko” Pangilinan, Risa Hontiveros, at Bam Aquino sa Korte Suprema na muling suriin ang naging pasya nito na ipatigil ang impeachment trial ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Giit ng tatlo, labag sa prinsipyo ng patas na proseso at umiiral na batas ang paglalapat ng bagong kahulugan sa salitang “initiate” sa gitna ng proseso ng impeachment. Tinukoy nila ang dalawang legal na doktrinang dapat umanong pinairal ng Korte—ang Fairness Principle at ang Doctrine of Operative Facts.

“To retroactively apply a new definition of what it means to ‘initiate’ an impeachment case—after the fact—can be likened to changing the rules in the middle of the game. It is unfair,” ayon sa kanilang pahayag.

Tinuligsa rin nila ang naging desisyon ng Korte na sinabing “legally defensible, perhaps, but grossly unfair,” batay sa saloobin ni dating Supreme Court Justice Adolfo Azcuna, isa sa mga bumalangkas ng 1987 Konstitusyon.

Ipinaliwanag ng mga senador na ang Fairness Principle ay nagbibigay-proteksyon sa mga hakbang ng pamahalaan na isinagawa nang may mabuting layunin at ayon sa umiiral na batas, samantalang ang Doctrine of Operative Facts ay kumikilala sa bisa ng mga aksyon sa ilalim ng dating legal na pamantayan kahit magbago ang batas sa kalaunan.

Ipinunto rin nilang ang pagtanggap sa mga prinsipyong ito ay hindi nagpapahina sa judicial review ng Korte, kundi nagpapalakas sa ugnayan at balanse ng kapangyarihan ng tatlong sangay ng pamahalaan. Binigyang-halimbawa nila ang desisyon sa Civil Liberties Union vs. Executive Secretary, kung saan iginiit ng Korte na walang bahagi ng Konstitusyon ang maaaring ipakahulugan sa paraang kinokontra ang ibang probisyon nito.

“In doing so, the Court would not be undermining its power of review, but rather giving full effect to all branches of government,” dagdag pa ng pahayag.

Ipinaalala rin ng mga senador ang kanilang tungkulin bilang mga halal na opisyal—na hindi lamang upang protektahan ang mga posisyon gamit ang teknikalidad, kundi upang igalang at ipagtanggol ang Konstitusyon.

“We did not swear an oath only to protect positions by way of technicalities. We swore to protect the Constitution—and the right of every Filipino to demand truth and justice,” anila.

Sa huli, nanawagan ang mga senador sa Korte Suprema, sa mga institusyon, at sa publiko na pag-isahin ang kapangyarihan ng judicial review at ang eksklusibong tungkulin ng Kongreso sa impeachment process.

“We call on our fellow citizens, on every institution that still believes in accountability, and on the Supreme Court itself: harmonize the seemingly conflicting provisions of the Constitution on Judicial review and the exclusive powers of Congress,” giit nila.

Nilagdaan ang pahayag nina Senador Pangilinan, Hontiveros, at Aquino.