Calendar
Kasama niya sa minorya sina Senators Vicente “Tito” Sotto III, Panfilo “Ping” Lacson, Miguel “Migz” Zubiri, at Loren Legarda, na ngayon ay bumubuo ng limang-kataong oposisyon sa mataas na kapulungan.
Sotto pinuno ng Minorya sa Senado
PORMAL nang pumasok si Senadora Risa Hontiveros sa hanay ng minorya sa Senado kasabay ng pagbubukas ng unang regular na sesyon ng ika-20 Kongreso nitong Lunes.
Kasama niya sa minorya sina Senators Vicente “Tito” Sotto III, Panfilo “Ping” Lacson, Miguel “Migz” Zubiri, at Loren Legarda, na ngayon ay bumubuo ng limang-kataong oposisyon sa mataas na kapulungan.
“Hindi na mabubuo yung una kong planong independent bloc. Ako po ay magiging bahagi ng minority,” ani Hontiveros sa panayam sa media, kung saan ipinaliwanag niyang nagkaroon ng maagang pag-uusap kina Lacson, Zubiri, at Sotto hinggil sa posibilidad ng pakikiisa. “Unang nagbanggit ng imbitasyon si Senator Ping… sinabi din ito pag-imbita man o pagiging bukas nina Senator Migz at Senator Tito.”
Itinalaga si Sotto bilang pinuno ng minorya matapos makuha ang boto ng limang senador. “I have been a good soldier of this August body since 1992,” aniya. “I am always honored by any position entrusted to me by my esteemed colleagues. So I pledge to perform the duties and responsibilities of being the minority leader,” dagdag niya.
Sa kabilang banda, opisyal na ring kinilala sina Senators Kiko Pangilinan at Bam Aquino bilang bahagi ng majority bloc. Ayon kay Pangilinan, tinanggap niya ang pamumuno sa Senate Committee on Agriculture upang direktang matugunan ang mga isyung may kinalaman sa seguridad sa pagkain at patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“It is in this context that my decision to align with the majority… [is to] secure the chairmanship of the Senate Agriculture Committee,” paliwanag niya. Iginiit pa niya, “Only if the executive and legislative branches work together can we effectively bring down food prices and address hunger.”
Dagdag pa niya, “Our aligning with the majority does not and will not undermine our ability to remain fiercely independent.”
Para kay Pangilinan at Aquino, and kapakanan ng taumbayan at nakararaming Pilipino ang dapat bigyan ng mas matinding prioridad para sa ikagagaan ng mas nakararami.
Nilinaw naman ni Hontiveros na sa kabila ng pagsapi niya sa oposisyon, mananatili siyang tapat sa kanyang mga paninindigan. “Totoo na may pagkakaiba kami ni Sen. Sotto sa ilang mga social bills,” aniya. “I have always been and I will remain an independent-minded senator.”
Nagpahayag din si Hontiveros ng pagkadismaya sa naging desisyon ng Korte Suprema kamakailan kaugnay ng impeachment trial sa Senado. “Nagpahayag din ako ng pagkadismaya noong araw ng paglabas ng desisyon,” aniya. Ipinabatid niya na may binubuong resolusyon mula sa Senado bilang tugon. “May mga nagda-draft ng resolution tungkol sa Sense of the Senate kaugnay ng Korte Suprema,” dagdag pa niya.

