Cayton

Pagpapalakas sa PTA iginiit ng mambabatas

Mar Rodriguez Aug 24, 2026
153 Views

BUNSOD ng panibagong insidente ng karahasan sa mga paaralan, iginiit ni Nueva Vizcaya Rep. Timothy Joseph Cayton ang kahalagahan na maisabatas ang panukalang pagpapalakas sa kapangyarihan ng Parent’s Teachers Association (PTA) sa mga pribado at pampublikong eskwelahan.

Layunin ng panukalang batas ni Cayton na palakasin, ma-institutionalize, mabigyan ng kapangyarihan at magkaroon ng ngipin ang PTA para mapigil ang posibleng pagsiklab ng karahasan sa mga pribado at pampublikong paaralan kasunod ang pangyayari sa Zamboanga City.

Kulang ang kapangyarihan ng kasalukuyang PTA para mapigilan ang anumang karahasan sa loob ng mga paaralan kabilang na dito ang patuloy na bullying ng isang mag-aaral sa kapwa nito estudyante kaya nararapat lamang na bigyan ng pangil ang PTA.

Isinulong ni Cayton ng House Bill No. 10097 (PTCA Institutionalization Act) na naglalayong gawing permanente at mas organisado ang Parent-Teacher-Community Association (PTCA) system sa buong bansa.

Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng mas malinaw na papel ang mga magulang at komunidad sa pagpapaigting ng learner welfare, child protection at school governance.

Magtatatag din ng mga city, municipal at provincial PTCA Federations upang mapalakas ang koordinasyon sa pagitan ng mga paaralan, lokal na pamahalaan at iba pang stakeholders sa edukasyon.

“Hindi sapat na ang paaralan lamang ang kumikilos. Ang kaligtasan ng ating mga anak ay pananagutan nating lahat,” ani Cayton.

Napakahalaga na magkaroon ng papel ang mga magulang sa anumang “decision making” sa loob ng paaralan sa halip na ang magiging tungkulin lamang nila ay lumahok sa mga usapin o pagpupulong kung papaano pagandahin ang paaralan ng kanilang mga anak, ayon sa kongresista.