Calendar
BI nailigtas 8 pasahero laban sa ‘catphishing’
WALONG pasahero papuntang Indonesia ang nasagip at isinailalim sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) noong Agosto 7 sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1 matapos matuklasang posibleng nabiktima ng “catphishing.”
Ang walong pasahero, limang lalaki at tatlong babae na may edad 26-49, naghahanda sa kanilang biyahe patungong Surabaya, Indonesia via Malaysia ng masabat ng mga awtoridad.
Una nilang sinabi na magbabakasyon sila ng limang araw at kasama ang mga dating katrabaho sa isang call center sa Makati.
Subalit lumitaw ang mga hindi tugmang detalye sa kanilang pahayag, kabilang ang hindi pagkakakilala sa ilan sa kanilang mga kasama.
Sa masusing imbestigasyon, natuklasan na sila ay inanyayahang magtrabaho sa Indonesia bilang customer service representatives na may sahod na $1,000-$1,500 kada buwan.
Natuklasan pa ng mga immigration officer na lima sa kanila ay dati nang nagtrabaho sa Cambodia at Myanmar at dalawa ang umalis sa mga bansang iyon sa pamamagitan ng “backdoor” routes.
Isa ay dati nang na-repatriate mula Myanmar matapos mabiktima ng trafficking, at isa pa ay nagtrabaho bilang guro sa Thailand gamit lamang ang tourist visa.
Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na patunay ang insidente na patuloy pa rin ang “catphishing” modus na naglalagay sa panganib sa mga Pilipino.
“Hindi ito mga iisang kaso lamang. Nakababahala na kahit ang mga dati nang nailigtas o na-repatriate ay muling nahuhulog sa parehong mapanganib na recruitment scheme,” ani Viado.
Muling pinaalalahanan ng BI ang publiko na huwag umasa sa mga pangakong nakukuha lamang sa online recruiters at tiyaking beripikado ang oportunidad sa pamamagitan ng mga lehitimong ahensya ng pamahalaan.

