Calendar
Special na panalangin inialay sa 65th birthday ni Speaker Dy
ISANG espesyal na panalangin ang inialay ni Teodoro C. Bacani Jr., Bishop Emeritus ng Diocese of Novaliches, para kay House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III para sa ika-65 kaarawan nito sa Agosto 31.
Ipinanalangin ni Bacani na manatiling lider na may integridad si Dy at maging isang pinunong hindi lamang mahusay magsalita kundi isinasabuhay ang kanyang pananampalataya at mga salita sa pamamagitan ng gawa.
Isinagawa ang panalangin matapos ang Mass of the Holy Spirit sa Kamara de Representantes noong Agosto 24.
Bago simulan ang panalangin, hiniling ni Bacani sa mga dumalo na iunat ang kanilang mga kamay patungo kay Dy at sa kanyang asawa at makiisa sa pananalangin para sa mag-asawa at sa buong bansa.
“May I ask you to please extend your hands towards our beloved Speaker and his wife. And let us pray for them and for our country,” ani Bacani.
Ipinanalangin ni Bacani na pagkalooban si Dy ng integridad na iniuugnay kay Nathaniel o Bartholomew, na inilarawan ni Hesus bilang isang taong walang pagkukunwari.
“Lord Jesus Christ, in today’s gospel we heard you say about Nathaniel or Bartholomew: This is a true Israelite. He is a man of integrity. In him there is no duplicity,” bahagi ng panalangin ni Bacani.
Hiniling din ng Obispo na ipagpatuloy kay Dy ang biyaya ng pagiging isang lider na may malinis na hangarin at tapat sa kanyang tungkulin.
Nanawagan si Dy sa mga lider ng Simbahan at sa publiko na ipagpatuloy ang pagdarasal para sa kanya at sa mga miyembro ng Kamara habang hinaharap nila ang mga hamon at mahihirap na desisyong kaakibat ng paglilingkod-bayan.
Kinikilala rin ni Bacani ang mga tukso at pressure na kinakaharap ng mga opisyal ng pamahalaan. Dahil dito, hiniling niya ang paggabay ng Banal na Espiritu kay Dy sa pagtupad sa kanyang tungkulin bilang Speaker.
Umaasa rin si Bacani na magiging halimbawa si Dy hindi lamang sa mga miyembro ng House of Representatives kundi sa buong sambayanang Pilipino.
“Here is a true Speaker who not only spoke, but who acted and who lived according to the word of God,” ani Bacani.
Sa pagtatapos ng panalangin, hiniling ni Bacani ang pagpapala para kay Speaker Dy sa kanyang asawa at buong pamilya, at ang patuloy nilang paglilingkod sa sambayanang Pilipino nang may kagalakan at integridad .
Ang panalangin ay isinagawa matapos ang mensahe ni Dy kasunod ng Mass of the Holy Spirit, kung saan nanawagan siya para sa “moral recovery” sa Kamara de Representantes.

