Barbers

Testimonya ni Acosta nagpalakas sa prosekusyon–Barbers

Mar Rodriguez Aug 24, 2026
149 Views

BINIGYANG-DIIN ni House prosecution panel spokesperson at impeachment adviser Robert Ace Barbers na lalo pang nagpalakas sa panig ng prosecution ang testimonya ni Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta kaugnay ng umano’y utos ni Vice President Sara Duterte na ilipat kay Col. Raymund Dante Lachica ang P125 milyon na confidential funds.

Malinaw sa testimonya ni Acosta ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari: ini-withdraw ang P125 milyon, personal itong natanggap ni Acosta, at inatasan umano siya ni Duterte na i-turn over ang pera kay Lachica.

“Ang mahalaga, mismo ang accountable officer ang nagpatotoo na hindi niya ililipat ang pera kung wala ang utos ng Vice President,” sabi ni Barbers.

Binanggit din ni Barbers ang mga tanong hinggil sa awtoridad ni Lachica na tumanggap ng pera.

Ayon sa kanya, ipinahiwatig sa mga sagot ni Acosta na hindi si Lachica ang awtorisadong SDO para sa naturang transaksiyon ngunit siya pa rin ang pinagtaguan ng P125 milyon.

Mas mahalaga umano rito, sabi pa ng dating kongresista, ang pag-amin ni Acosta na hindi lumitaw ang pangalan ni Lachica sa mga dokumentong isinumite sa Commission on Audit (COA) bilang suporta sa naturang transaksiyon.

“Ang taong sinasabing tumanggap ng pera ay hindi nakilala sa mga supporting documents na isinumite para sa audit,” sabi ni Barbers.

Muling nabigyang-diin sa testimonya ang kakulangan umano ng detalyadong aktibidad na isinagawa sa ilalim ng tinukoy na “Good Governance Program” na pinaglaanan ng confidential funds.

Para sa prosecution, dagdag umano itong dahilan upang siyasatin kung paano idinokumento, inilipat at ini-account ang P125 milyon.

Sinabi din ni Barbers na dapat tingnan nang magkakasama ang mga naging pahayag ni Acosta: na-withdraw ang pera, natanggap niya ito, inilipat kay Lachica kasunod ng umano’y utos ni Duterte.

“Sa halip na pahinain ang kaso ng prosecution, nakatulong ang mga sagot ni Acosta na pagdugtung-dugtungin ang mga pangyayari,” ani Barbers.

Dagdag pa ni Barbers, itinuturo umano ng testimonya ni Acosta sa personal na utos ng Bise Presidente bilang dahilan ng paglilipat ng P125 milyon kay Lachica.

Gayunman, binigyang-diin ni Barbers na ang impeachment court pa rin ang magpapasya sa legal na epekto ng mga testimonya at ebidensiyang iniharap sa paglilitis.