Magsaysay

Kamara inaprubahan panukalang Botika sa Brgy

Mar Rodriguez Aug 24, 2026
128 Views

INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes ang panukalang batas na inihain ni House Committee on Senior Citizens Chairperson at United Senior Citizens Party-list Rep. Milagros Aquino-Magsaysay na naglalayong magkaroon ng “Botika sa Barangay” sa bawat barangay.

Ayon kay Magsaysay, ang pangunahing layunin ng panukala ay para magkaroon ng access sa mga gamot ang mga mamamayan mula sa mga liblib na barangay.

Iminungkahi ni Magsaysay na upang maisakatuparan ang Botika sa Barangay, Kinakailangang ilagay na lamang para sa pagtatatag ng Botika sa Barangay ang pondong nakalaan sa Local Government Units (LGUs) para sa pambili ng mga gamot.

“Hindi naman yata naibibili ng mga gamot. Kaya ang sabi ko, yung pondo para dito sa gamot para sa local government ilagay na lamang dito sa Botika sa Barangay,” ani Magsaysay.

Kasabay nito, ipinahayag din ni Magsaysay na dapat ilagay o ilaan narin ang pondo ng “Yakap program” para sa pagtatatag ng Botika sa Barangay gayong hindi naman ito naging matagumpay dahil sa kawalan ng pharmacy o botika.

Binatikos ni Magsaysay ang mala-pagong na pag-apruba ng Food and Drugs Administration (FDA) sa mga pangunahing gamot na umaabot ng dalawa hanggang siyam na taon bago aprubahan ang bagong gamot.

Resulta nito ay ang napakataas na presyo ng mga gamot na hindi kayang bilhin ng mga ordinaryong tao, lalo na ang mga mahihirap na mamamayan.

Pinakiusapan ng kongresista ang mga multinational companies na ibaba ang presyo ng kanilang mga gamot para sa mga mahihirap na mamamayan.

Natuklasan niya na kaya napakamahal ng presyo ng mga gamot ay dahil kasalanan umano ng FDA at HTAC.

“Kasalanan nila, kasi ang tagal tagal bago ma-approve ang isang gamot. It takes two to nine years, so bago ma-approve obsolete na ‘yung gamot,” pahayag ni Magsaysay.