Magsino

Pagpaparangal ng DMW sa mga senior citizens na OFWs pinasalamatan ng OFW Party List

Mar Rodriguez Dec 8, 2025
221 Views

𝗡𝗔𝗚𝗣𝗔𝗦𝗔𝗟𝗔𝗠𝗔𝗧 ang OFW Party List bunsod ng ginawang pagpaparangal ng Department of Migrant Workers (DMW) sa mga senior citizens na Overseas Filipino Workers (OFWs).

Sinabi ni dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” Magsino na nagpapalakas sa moral ng mga matatandang OFWs ang ginawang pagkilala at pagpaparangal ng DMW sa kanila sa pamamagitan ng “OFW Senior Day Tribute” ang inilunsad na programa ng ahensiya.

Ayon kay Magsino, ikinagagalak nito at kinikilala ng pamahalaan ang napakalaking kontribusyon at sakripisyo ng mga unang henerasyon ng mga OFWs kung saan sila ay dumanas ng matinding pangungulila sa kanilang pamilya dahil noong panahon nila ay hindi pa uso ang cellphone at iba pang teknolohiya.

Sinariwa din ni Magsino ang dating panahon ng mga senior na OFWs habang sila ay nasa ibang bansa na tanging cassete tapes lamang ang nagsisilbing komunikasyon ng mga matatandang Migrant workers sa kanilang pamilya para mapawi ang kanilang pangungulila.

Nagbigay pugay din si Magsino sa sa mga Lolo at Lola na dating OFWs na sa kabila ng kanilang napakalaking hirap at sakripisyo sa ibayong dagat ay matagumpay nilang naitaguyod ang kanilang pamilya at mga anak.

“Tayo ay sumasaludo at nagbibigay pugay sa ating mga senior na OFWs dahil sa kanilang malaking sakripisyo para maitaguyod ang kanilang pamilya. Sila ay bahagi ng tinatawag na golden years ng migration. Pero nuong mga panahong din iyon, maraming OFWs ang nasawi para lang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya,” sabi ni Magsino.