Calendar
Tulong ng Kamara para sa OFWs na apektado ng sunog sa HK, pinasalamatan
𝗡𝗔𝗚𝗣𝗔𝗛𝗔𝗬𝗔𝗚 ng taos pusong pasasalamat ang OFW Party List kay House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III matapos magpaabot ng tulong ang liderato ng Kamara de Representantes para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na naapektuhan ng malaking sunog na naganap sa Tai Po residential complex sa Hong Kong noong nakaraang buwan.
Nauna rito, ipinag-utos ni Speaker Dy sa mga kongresistang kasapi ng House Committee on Overseas Workers Affairs ang pagbisita sa Hong Kong para alamin ang kalagayan ng 60 OFWs na naapektuhan ng sunog, kasunod nito ang pagpapa-abot ng House leadership ng pakikisimpatya at suporta para sa kanila.
Dahil dito, pinasalamatan ni dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino si Speaker Dy dahil sa ipinakita nitong malasakit at pagkalinga sa mga apektadong OFWs.
Sinabi ni Magsino na ang ipinakitang “gesture” ng House leadership ay nag-iwan umano ng malaki at malalim na emotional impact para sa mga OFWs na biktima ng sunog sapagkat naramdaman nila ang pagmamalasakit at pagmamahal ng Kongreso sa kanila.
Pinapurihan din ni Magsino ang House Speaker matapos nitong aprubahan ang pagbibigay ng financial assistance para sa mga apektadong OFWs na direktang idineposito naman sa kanilang account.
Samantala, pinangunahan ng OFW Party List ang pagdaraos ngayong araw ang OFW Family Day para sa mga OFWs at kanilang pamilya na ginanap sa Sapang Palay, San Jose del Monte, Bulacan.
Tinatayang mahigit sa tatlong libong OFWs ang dumalo sa nasabing okasyon sa pangunguna ni Magsino.

