Calendar
Pagpapaunlad ng ulang farming pinag-aaralan ng PCDO, BFAR-MIMAROPA
CALAPAN CITY–Pinag-aaralan ng Provincial Cooperative Development Office (PCDO) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources-MIMAROPA kung paano palalakasin ang pang-uusdaan o ulang farming.
Ang hakbang tugon sa atas ni Provincial Cooperative Development Officer Orlando Tizon na magsulong ng alternatibong kabuhayan para sa mga kooperatiba.
Ang hakbanging ito ay alinsunod din sa mandato ng Oriental Mindoro sa pamumuno ni Gov. Humerlito “Bonz” Dolor na itaguyod ang inklusibong kaunlaran at mas maraming oportunidad sa kabuhayan para sa mga Mindoreño, partikular sa sektor ng kooperatiba.
Pinangunahan nina Maricris Capino at Leocris Manaig ng PCDO ang pakikipagpulong sa BFAR-MIMAROPA at tinanggap nina Cristina Acedera mula sa Regional Fisheries Training and Fisherfolk Coordination Division at Julius Rodriguez mula sa Office of the Regional Director.
Sa pulong, iminungkahi ang orientation forum on ulang farming para sa mga miyembro ng kooperatiba sa Oriental Mindoro.
Ang ulang (Macrobrachium rosenbergii) ay isang uri ng giant freshwater prawn na may mataas na halaga sa merkado.
Maaari itong alagaan sa maliit na palaisdaan at may potensyal na maging pangunahing pinagkakakitaan ng mga kooperatiba.
Sa tulong ng BFAR, maaari ring maibigay ang suporta tulad ng fingerlings, training at teknikal na tulong.
Ang nasabing forum ay nakikitang unang hakbang sa paglinang ng alternatibong kabuhayan sa ilalim ng programang “Dagdag Kaunlaran, Dagdag Kabuhayan sa mga Kooperatiba” ng PCDO.

