Posas Source: File PNP photo

2 kelot dinampot sa sex crime sa Pampanga

Bernard Galang Aug 11, 2025
370 Views

CAMP OLIVAS, San Fernando, Pampanga–Arestado ang dalawang lalaking sangkot sa sexual offense noong Linggo sa Bacolor at Apalit, Pampanga.

Sa Bacolor, nahuli ng mga pulis ang 32-anyos na lalaking suspek sa sexual abuse sa 18-anyos na estudyante sa kolehiyo sa loob ng resort sa Brgy. San Vicente noong Agosto 8.

Sinabi ng biktima na nagcheck in sila ng kanyang pamilya sa resort para sa wedding pictorial nang yayain siya ng suspek na uminom.

Nalasing siya at doon na umano isinagawa ang panghahalay sa kanya ng suspek.

Sa takot na hindi umano siya paniwalaan at maiwasang magambala ang wedding pictorial, ipinagpaliban ng biktima ang pag-uulat ng insidente hanggang matapos ang kaganapan.

Sa follow-up operation ng Bacolor police, naaresto ang suspek matapos magsumite ng medico-legal examination ang biktima at ni-refer siya sa Municipal Social Welfare and Development Office (MSWD) para sa counselling.

Sa Apalit, Pampanga, inaresto ng mga awtoridad ang 16-anyos na lalaki dahil sa statutory sexual abuse.

Ang suspek ay dinakip ng Apalit police sa Brgy. Tabuyuc base sa warrant na inilabas ng Regional Trial Court, Branch 55 ng Macabebe, Pampanga.

Itinurn-over ang suspek sa MSWD Apalit dahil sa pagiging menor-de-edad.