Calendar
Pagsugpo sa mapang-abusong OLC isusulong
BINIGYANG DIIN ni 1-TAHANAN Party List Representative Nathaniel “Atty. Nat” Oducado na panahon na para supilin ang dumaraming kaso ng mga Pilipino na dumaranas ng pang-aabuso at harassment mula sa mga abusadong Online Lending Companies (OLC).
Ikinababahala din ni Oducado ang pagdami ng mga Pilipinong lalong nalulubog sa matinding kahirapan dahil sa malaking pagkaka-utang bunsod ng pagpatol nila sa mga OLC at financing companies para manghirap ng pera.
Dahil dito, pinagpa-planuhan na ng kongresista ang paghahain ng panukalang batas sa Kamara de Representantes sa ilalim ng 20th Congress na naglalayong supilin ang mga mapang-abuso at mapan-lamang Online Lending Companies.
Pagbibigay diin ni Oducado na kinakailangan ng isang sentralisadong lunas sa pamamagitan ng pagsusulong ng panukala upang unti-unting supilin ang ang tinawag nitong hindi makatarungang paniningil ng utang ng mga OLC sa mga taong lumalapit sa kanila.
Bukod dito, sinabi pa ni Oducado na napapanahon na rin ang paghahain ng isang House Resolution para malaman kung gaano ka-epektibo ang mga isinagawang hakbang ng mga ahensiya ng pamahalaan upang pigilan ang ang mga ganitong uri ng paniningil.
“Kaya dapat magawaan ng isang sentralisadong lunas sa pamamagitan ng isang panukala upang kitilin ang ganitong hindi makatarungang pamamaraan ng paniningil sa utang. Sapagkat lalong nalulubog sa utang at kahirapan ang ating mga kababayan dahil sa mga OLC,” wika nito.
Ipinaliwanag pa ni Oducado na bunsod ng pagtaas ng mga pangunahing bilihin, maraming mahihirap nating kababayan ang napipilitang lumapit o pumatol sa OLC at financing companies sa kabila ng batid nilang mataas maningil ng patubo ang mga kompanyang ito.
Ayon sa mambabatas, lumalapit ang mga kababayan natin sa mga OLC at financing companies para mayroon silang makuhanan ng panggastos para sa pangangailangan ng kanilang pamilya subalit kadalasan ay hindi nila nakukuha ng buo ang perang inutang nila.
“Halimbawa ay pauutangin sila ng OLC ng P30,000. Subalit ang cash out ay nasa P22,000 na lamang o may 24% na interes na binawas na agad, at kailangan nila itong bayaran sa loob ng pitong araw o 3.3% na interes kada araw. Kaya hindi nakakapagtaka na lalong nalulubog sa kahirapan ang dati ng mahirap na mga kababayan natin,” dagdag pa ni Oducado.
Ipinahayag pa ng 1-TAHANAN Party List solon na kabilang sa mga parokyano ng mga OLC at financing companies ay mga college students na umuutang ng pera na may “acceleration clause” kung saan sila ay nakakaranas din ng harassment mula sa mga kompanyang ito sa pamamagitan ng pamamahiya sa kanilang mga kakilala.
“Nakakaranas ang mga estudyanteng ito ng pang-haharass hindi lamang sa kanila kung hindi pati sa kanilang mga kakilala. Kabilang ang pagtawag sa kanila sa dis-oras ng gabi kung saan sila ay ipapahiya sa pamamagitan ng pagtawag sa kanila ng estafador at delinquents, paninirang puri sa social media, pagpapakalat ng fake news sa kanilang pagkatao at mga nakakabahalang text messages,” sabi pa ni Oducado.
To God be the Glory

