Fajardo

Pagtawag kay Romualdez ng ‘mastermind’ bago ang ruling nagdulot ng pangamba sa ‘prejudgment’

40 Views

ANG pagtawag kay dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez bilang isang “mastermind” habang nagpapatuloy pa ang preliminary investigation ay nagdudulot ng pangamba na tila nahusgahan na siya bago pa lubusang masuri ang lahat ng ebidensiya, ayon sa kanyang abogado at tagapagsalita na si Atty. Ade Fajardo nitong Martes.

Ayon kay Fajardo, maaaring lumikha ng impresyon ang ganitong bansag na nakabuo na ng konklusyon kahit hindi pa natatapos ng Office of the Ombudsman ang pagsusuri nito sa mga ebidensiya at sa depensa ni Romualdez.

Noong Abril 22, hiniling ng mga abogado ni Romualdez kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla na umiba o umatras sa paghawak ng kaso, na binanggit ang kanyang mga pampublikong pahayag tungkol sa imbestigasyon. Iginiit ng depensa na ang mga naturang pahayag, kabilang ang paulit-ulit na pagtukoy sa pagsasampa ng kaso, ay nagbigay ng impresyon na mayroon nang paunang hatol o konklusyon.

Sa isang pahayag, sinabi ni Fajardo:

“Sa aming pananaw, nangangamba kami na dahil sa maraming pampublikong posisyon ng kasalukuyang Ombudsman ay tila nahusgahan na ang kaso, o tila mayroon nang nabuo na konklusyon at hinahanap na lamang ang mga ebidensiya upang suportahan ang legal na konklusyong iyon—na, sa aming palagay, ay wala naman talagang sapat na batayan.”

Ang preliminary investigation ay proseso upang matukoy kung may sapat na batayan para magsampa ng mga kaso sa korte.

Sinabi ni Fajardo na hindi dapat mauna ang mga pampublikong paratang sa naturang proseso, lalo na habang nagbabago pa ang mga salaysay ng mga testigo at may mga karagdagang ebidensiyang hindi pa naibibigay sa depensa.

“Ang naging problema namin diyan, kasi sa yugtong ito ng imbestigasyon, ang hinihingi ng ating mga alituntunin, ng ating batas, at mismo ng Saligang Batas ay pagiging patas at walang kinikilingan,” ani Fajardo.

Ayon pa sa kanya, maaaring maimpluwensiyahan ng mga mapanirang bansag ang opinyon ng publiko bago pa maresolba ng mga imbestigador ang magkakasalungat na pahayag at masuri ang kumpletong rekord ng kaso.

“Ang tawag namin po diyan ay prejudicial, at sa epekto nito ay parang lalo nitong pinatitindi o pinupukaw ang anumang kaisipan,” aniya.

Hinimok ni Fajardo ang Ombudsman na resolbahin ang mga reklamo batay sa mga ebidensiyang wastong isiniwalat at nasuri sa proseso, sa halip na umasa sa mga bansag na inilalabas sa publiko habang nakabinbin pa ang imbestigasyon.