Calendar
Pagtulong ng DMW, OWWA sa mga Ph marino pinasalamatan ng OFW Party List
NAGPAHAYAG ng pasasalamat ang OFW Party List Group para sa pamunuan ng Department of Migrant Workers (DMW) at iba pang ahensiya ng pamahalaan matapos ang pagbibigay nila ng tulong, suporta at pagkalinga para sa mga Pilipinong marino na nasugatan sa nangyaring Houthi attack habang naglalayag sa Red Sea.
Ipinahayag ng DMW na upang matiyak ang mabilis na pagkalinga sa mga Filipino seafarers, agad nilang inasikaso kasama ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pag-uwi ng mga ito na nasugatan sa nasabing pag-atake habang sila ay lulan ng MV Minervagracht.
Ayon kay dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino, napakahirap umano ang kalagayan ng mga Pinoy seafarers sapagkat isinusugal nila sa panganib ang kanilang buhay at kaligtasan habang naglalayag sa dayuhang bansa para lamang magandang kinabukasan at maayos na kondisyon ang kanilang pamilya sa Pilipinas.
Sinabi ni Magsino na noong 19th Congress, naging masigasig ang OFW Party List Group sa Kamara de Representantes para isulong ang mga panukalang batas na magbibigay ng proteksiyon at mangangalaga sa interes ng mga Filipino seafarers at patunay aniya dito ang Magna Carta for Filipino seafarers na isa ng ganap na batas.
Hinihiling din ng dating kongresista sa DMW at OWWA ang agad na pakikipag-ugnayan para matiyak na ang mga nakauwing Pinoy seafarers ay mabibigyan ng lahat ng nararapat na tulong kasama na ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng medical at psycho-social support.
Kasabay nito, nagpaabot ng taos pusong pakikiramay si Magsino para sa pamilya ng namatay na Filipino seafarer makaraang dumating sa bansa ang labi nito sanhi ng ginawang pag-atake ng mga rebeldeng Houthi sa Gulf of Aden.
Sabi pa ni Magsino na bagama’t hindi siya pinalad na makaupo ngayong 20th Congress. Subalit tinitiyak naman nito na hindi humihinto ang OFW Party List sa pagtulong sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at Filipino seafarers na nahaharap sa mga suliranin.
“Ang OFW Party List po ay taos pusong nakikiramay para sa naulila ng ating kababayang Filipino seafarer na nasawi sa pag-atake ng mga Houthi rebels. Nararamdaman ko po ang hapdi sa puso ng kaniyang pamilya dahil napaka-hirap po talaga ang kalagayan ng ating mga kababayang Pinoy seafarers. Kaya naman kahit hindi tayo nakaupo ay tuloy-tuloy parin ang ating pagtulong para sa ating mga kababayang tripulante,” sabi ni Magsino.

