Calendar
OFW Party List nananawagan kaugnay sa online scam sa abroad
NANANAWAGAN ang OFW Party List Group sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kaugnay sa nagpapatuloy na modus na online scam sa ibang bansa kung saan puro mga Overseas Filipino Workers (OFWs) ang kanilang binibiktima gaya ng nangyari sa pinaka-huling insidente ng human trafficking.
Nauna rito, nakabalik na sa Pilipinas ang apat na OFW na biktima umano ng human trafficking sa Laos kung saan sila ay pinipilit na magtrabaho sa isang online scam batay narin sa ulat ng Bureau of Immigration (BI).
Dahil dito, naaalarma si dating OFW Party List Representative Marissa “Del Mar” P. Magsino sapagkat magpasa-ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang naturang modus na kasamaang palad aniya ay puro mga Filipina ang kanilang nire-recruit para sapilitang magtrabaho sa online scam.
Iminumungkahi ni Magsino sa DMW na makipag-tulungan sa mga awtoridad lalo na sa National Bureau of Investigation upang madakip sa lalong madaling panahon ang mga taong nasa likod ng modus-operading ito at mapanagot narin ang mga kakutsaba nila dito sa Pilipinas.
Pagbibigay diin ng dating kongresista na malawak ang network ng grupong ito sapagkat lumalabas na disimulado at organisado ang pamamaraan ng kanilang recruitment ayon na rin sa kuwento ng nasagip na apat na OFWs. Inihayag ng mga biktima na magtutungo sila dapat sa Brunei subalit itinawid sila ng kanilang mga recruiter sa Laos sa pamamagitan ng Thailand.
Sinabi ni Magsino na ang dapat unahin ng malawakang crackdown laban sa human trafficking ay ang mga recruiters na ito maging Pilipino man o dayuhan dahil ibinubulid nila sa kapahamakan ang kanilang mga bagong recruit.
Muling binigyang diin ni Magsino na panahon na para matigil ang nasabing modus-operandi dahil ito ay nagpapatuloy na kahit noong nakaupo pa ang OFW Party List Group noong nakalipas na 19th Congress.
To God be the Glory

