Gapan Ang higanteng Christmas tree sa Gapan City. Kuha ni Steve Gosuico

Pailaw ’25 sa Gapan simula na

Steve A. Gosuico Nov 23, 2025
326 Views

GAPAN CITY–Inilawan na ang higanteng Christmas tree noong Sabado bilang selebrasyon ng Christmas Pailaw 2025 sa pangunahing siyudad na ito sa ika-apat na distrito ng Nueva Ecija.

Nagpalakpakan ang crowd sa Gapan City Plaza ng umentra sina Gloc 9 at Sponge Cola matapos basbasan ang belen na sentro ng diwa ng Kapaskuhan.

Sinimulan ni Mayor Emary Joy Pascual at Congressman Emerson “Emeng” Pascual ang countdown para sa Pailaw 2025.

Nang sindihan ang mga ilaw, lumarga sa itaas ang fireworks display at nagpaliwanag na ilang minuto sa himpapawid dakong alas-7:44 ng gabi.

Ayon kay Mayor Pascual, may temang “Joy to the Max ang Pasko sa Gapan” ang selebrasyon sa taong ito .

Ibinida ng alkalde na sa Gapan gaganapin ang grand Marian procession bilang parangal sa Pista ng Immaculate Conception ng Birheng Maria sa Disyembre 7, 2025.

“Dadalhin po dito sa lungsod ang ibat-ibang birhen mula sa iba’t ibang lugar at bahagi ng Pilipinas,” dagdag ng alkalde.

“Tradisyon na ito na aming ginagawa kapag Pasko. Kaisa kami ng mga kadistrito, kalalawigan, kapwa taga-Gapan na sine celebrate ang Kapaskuhan,” sabi ng congressman.