Calendar
Pakistani naaresto sa budol-budol scam
BOCAUE, Bulacan–Inaresto ng mga pulis ang Pakistani national habang dalawa pa ang pinaghahanap dahil sa pambubudol sa restaurant sa Brgy. Igulot, Bocaue, Bulacan noong Huwebes.
Sa ulat kay Police Regional Office (PRO)-3 director Brig. Gen. Ponce Rogelio Penones Jr., kinilala ng Bulacan police ang biktima na si Jocelyn Marino, 59.
Ayon sa biktima, nasa loob siya ng Black Pink Samgeupsal nang umano’y madukutan siya ng P30,000.
Rumesponde ang mga pulis at naaresto ng mga tanod ng Igulot ang isa sa mga suspek na si alyas Ali, 53.
Dalawa pang suspek, na pinaniniwalaang kapwa Pakistani nationals, ang nakatakas.
Sa pagsusuri sa CCTV footage, nakipag-usap si Ali sa biktima habang ang ikalawang suspek ang kumuha ng P30,000 mula sa bag ng biktima kapalit ng isang dolyar.
Sinabi ng mga awtoridad na tila pansamantalang nawalan ng ulirat ang biktima sa naganap na insidente.
Samantala, ang ikatlong suspek naman sinadya ang pag-distract sa mga empleyado ng restaurant upang hindi nila mapansin ang ginawa ng kanyang mga kasamahan.
Matapos ang insidente, tumakas ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa hindi matukoy na direksyon, habang si Ali ay naaresto ng mga barangay tanod.

