Maute File photo ng mga high-powered na sandata ng Maute Group.

4 sundalo patay, 1 sugatan sa pananambang sa Lanao del Norte

Zaida Delos Reyes Jan 24, 2026
360 Views

APAT na sundalo ang patay habang isa ang malubhang nasugatan matapos na tambangan ng hinihinalang miyembro ng Dawlah-Islamiyah Maute Group nitong Biyernes ng umaga sa Munai, Lanao del Norte.

Nakilala ang mga nasawi na sina Staff Sgt. Diosito Araya, Sgt. Gilbert Arnoza, Sgt. Junel Calgas at isang pansamantalang nakilala lang na Private Laniton.

Isinugod naman sa pagamutan si Cpl. Rollen Dela Cruz.

Napag-alaman na ang mga sundalo ay pawang mga miyembro ng 44th Infantry Battalion ng Philippine Army.

Lulan ang mga biktima ng isang Toyota Avanza patungo sa isang non-tactical community service mission at pagsapit sa sapa sa may Purok 1, Barangay Liningding ay pinaputukan sila ng mga suspects.

Matapos ang pamamaril ay mabilis na tumakas ang mga suspects habang agad na nasawi ang apat na sundalo at naisugod naman ng mga emergency responders ang isa pa sa pagamutan.

Agad namang kinundina ng pamunuan ng Western Mindanao Command at ng Lanao del Norte Provincial Police Office ang insidente.