Torre

Palasyo naghihintay ng ‘positibong’ sagot kay Torre

271 Views

SINABI ng Malacañang nitong Biyernes na hinihintay pa nila ang “positibong” tugon mula kay dating Philippine National Police (PNP) chief Gen. Nicolas Torre III kaugnay ng alok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bagong posisyon sa gobyerno.

Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na wala pa silang natatanggap na sagot mula kay Torre.

“Mayroon po talagang inaalok katulad po ng sinabi natin. At sa ngayon po ay wala pa pong komento,” ani Castro.

“Hintayin na lamang po natin kung ano magiging positibong reaksyon ni General Torre dito,” dagdag pa niya.

Inatasan ni Marcos ang agarang pagbibitiw ni Torre sa kanyang puwesto bilang pinuno ng PNP dahil sa “hindi mapagkasunduang isyu” sa pagitan niya at ng National Police Commission.

Si Torre, na nanungkulan bilang PNP chief simula Hunyo, ang nanguna sa mga sensitibong operasyon kabilang ang pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo Duterte at kay Kingdom of Jesus Christ leader Apollo Quiboloy.

Sa kanyang maikling panunungkulan, nakatanggap si Torre ng papuri para sa pagpapatupad ng “five-minute response policy” na nag-aatas sa mga pulis na rumesponde sa mga emerhensiya sa loob lamang ng limang minuto. Philippine News Agency