Calendar
Pamantayan sa komento, decorum sa VP Sara trial hinigpitan
NAGLATAG si Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ng mas mahigpit na pamantayan sa public comments, courtroom decorum at impartiality sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kabilang ang prospective enforcement ng Rule 18 gag rule at mga sanction sa mga susunod na paglabag.
Sa ika-19 na araw ng impeachment trial noong Miyerkules, sinabi ni Escudero na mula sa paglabas ng ruling ay mahigpit nang ipatutupad ang Rule 18 laban sa public discussion ng merito ng nakabinbing kaso ng mga taong sakop nito.
“From this point forward, Rule XVIII shall be strictly enforced and given full force and effect,” sabi ni Escudero.
Ayon sa ruling, sakop ng Rule 18 ang presiding officer, senator-judges, prosecutors, respondent, counsel of record at mga testigong sakop ng rule.
Inatasan sila ni Escudero na umiwas sa paggawa, pagbabahagi, pag-endorso o pagpapalaganap ng public statements tungkol sa merito ng impeachment case.
Ipinaliwanag niya na maaaring pumasok sa “merits” ang statements na sumusuri sa disputed facts, credibility ng witness, relevance, probative value, weight o sufficiency ng evidence, legal viability ng isang Article of Impeachment o substantive defense, o nagtataguyod o nagfo-forecast ng magiging disposition o ultimate vote.
Pinahihintulutan naman, ayon sa ruling, ang fair, true, objective at neutral na pag-uulat ng nangyari sa proceedings kung walang commentary sa merito.
Nilinaw din ni Escudero na prospective ang mahigpit na pagpapatupad ng Rule 18 at ang mga naunang pahayag na binanggit sa ruling ay hindi awtomatikong findings ng violation.
Naglatag din ang impeachment court ng two-strike sanction system.
Ayon sa ruling, ang unang finding ng violation ay maaaring humantong sa severe public reprimand at stern admonition sa open court.
Sa ikalawa at mga susunod na violation, maaaring magpataw ng hanggang ₱30,000 na multa sa bawat offense at posibleng restrictions sa courtroom participation.
Bago magpataw ng sanction, sinabi sa ruling na maaaring atasan ang inirereklamo na magsumite ng written explanation upang mabigyan ng pagkakataong sagutin ang alegasyon.
Kung abogado ang sangkot at ang parehong conduct ay maaaring lumabag din sa Code of Professional Responsibility and Accountability o CPRA, sinabi ni Escudero na maaaring ipadala ang kaugnay na order at records sa Supreme Court o Office of the Bar Confidant para sa anumang aksyong maaaring ituring na nararapat.
Nilinaw niya na ang referral ay hindi mismong finding ng professional misconduct at hindi dapat ibatay lamang sa Rule 18 violation.
Hiwalay na pinaalalahanan ni Escudero ang prosecution tungkol sa tungkulin nito sa impeachment proceedings.
“The primary duty of a public prosecutor is not to convict but to see that justice is done,” sabi niya, na tumukoy sa Canon II, Section 31 ng CPRA.
Ayon kay Escudero, ang layunin ng prosecution ay dapat ang makatarungang resolusyon ng kaso at hindi “victory at all costs.”
Para naman sa defense, sinabi niyang tungkulin ng counsel na bigyan ang respondent ng competent, conscientious at diligent representation, protektahan ang constitutional at procedural rights nito at subukan ang ebidensiya ng prosecution habang sumusunod sa batas, ethical rules at lawful orders ng impeachment court.
Pinaalalahanan din ni Escudero ang mga senator-judge tungkol sa impartiality habang nagtatanong at humahatol sa kaso.
Binanggit niya ang pamantayang “cold neutrality of an impartial judge” at sinabi niyang dapat mapanatili ang impartiality hindi lamang sa magiging desisyon kundi maging sa asal ng mga senator-judge habang nagpapatuloy ang paglilitis.
Ayon sa ruling, maaaring magtanong ang mga senator-judge upang linawin ang testimonya at subukan ang ebidensiya, ngunit dapat manatiling relevant, material at fair ang kanilang pagtatanong at hindi maging partisan advocacy.
Hinimok din sila ni Escudero na umiwas sa unparliamentary remarks, personal attacks, imputations of improper motive at iba pang pananalitang hindi angkop sa dignidad ng proceedings.
Ang sinasabing unparliamentary conduct ng isang senator-judge ay maaaring i-raise sa ilalim ng Senate rules at, kung may sapat na batayan, maaaring i-refer sa Senate Committee on Ethics and Privileges.
Tinalakay din ni Escudero ang papel ng spokespersons.
Ayon sa ruling, maaaring magtalaga ang prosecution o defense ng spokesperson na hindi counsel of record. Kung mananatiling counsel of record ang isang lawyer-spokesperson, sakop pa rin siya ng Rule 18.
Ang isang spokesperson na hindi counsel of record ay hindi sakop ng Rule 18 sa parehong kapasidad ng trial counsel, bagaman maaaring manatiling sakop ng ibang contempt o professional ethical rules kung naaangkop.
Sinabi rin ni Escudero na malaya pa ring iharap ng counsel ang kanilang factual at legal theories sa impeachment court sa pamamagitan ng ebidensiya, legal argument at court-appropriate language.
Sa pagtatapos ng ruling, pinaalalahanan niya ang mga senator-judge na magpasya batay sa record, Constitution at impeachment rules.
“That obligation rests upon every Senator-Judge to decide solely upon the record, under the Constitution and the Rules, and in a manner worthy of the confidence of the people,” sabi ni Escudero.

