Calendar
Atty. Cornelio Samaniego III, tagapagsalita at legal counsel ng Pamilya Discaya
Pamilya Discaya handang harapin mga imbestigasyon
NAKAHANDA ang pamilya Discaya na harapin ang lahat ng imbestigasyong kaugnay sa mga kontrobersya sa flood control projects.
Sa isang pulong-balitaan, tiniyak ni Atty. Cornelio Samaniego III, tagapagsalita at legal counsel ng pamilya, na buo ang kanilang kooperasyon dahil wala silang itinatago.
Patunay aniya nito ang kanilang pagdalo sa mga pagdinig sa Senado at ang pagpapakita ng mga luxury vehicles na hinahanap ng Bureau of Customs.
“Bugbog na bugbog na ang aking kliyente, lalo na sa social media,” ani Samaniego.
Kaugnay nito, iginiit din ng kampo ng mga Discaya na wala silang planong magtago o umalis ng bansa. Ayon kay Samaniego, hindi sila tatakas at handang humarap sa anumang kasong ihahain laban sa kanila.
Ang pahayag ay kasunod ng hiling ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bureau of Immigration na ilagay sa lookout bulletin order ang mag-asawang Sarah at Pacifico Discaya, kasama ang 23 iba pang opisyal ng DPWH at mga may-ari ng construction companies.
Sinabi ng abogado na nananatili ang mag-asawang Discaya sa kanilang tahanan sa Pasig City, at masaya pa nga umano ang mga ito dahil nagkakaroon sila ng pagkakataon na maipaliwanag ang kanilang panig sa publiko.
Dagdag pa ni Samaniego, nakahanda ring makipagtulungan ang pamilya sa Bureau of Internal Revenue (BIR) sa isinasagawang pagsisiyasat, at iginiit na may tax clearance ang pamilya hanggang Enero 2025—patunay na maayos silang nagbabayad ng buwis.
Nakatakdang muling humarap si Sarah Discaya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa darating na Lunes.

