Subpoena

Senado nag-isyu ng mga subpoena sa imbestigasyon ng flood control scam

473 Views

NAGPALABAS ng mga subpoena ang Senate Blue Ribbon Committee sa ilang indibidwal na sinasabing may kaugnayan sa mga anomalya sa mga flood control project ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ginawa ang hakbang na ito bilang paghahanda sa susunod na pagdinig ng komite sa darating na Setyembre 8, na tututok sa mga ulat ng maling paggamit ng pondo at pagpapatupad ng mga tinaguriang ghost infrastructure projects.

Kabilang sa mga pinadalhan ng subpoena sina Brice Hernandez, dating assistant engineer ng DPWH Bulacan District; Darcy Respisio ng Darcy & Anna Builders and Trading; Pacifico Discaya; at si Sarah Discaya, dating kandidato sa pagka-alkalde ng Pasig City at asawa ni Pacifico Discaya.

Una nang lumutang ang pangalan ng mag-asawang Discaya sa mga nakaraang pagdinig ng Senado at sa ilang ulat sa media, kaugnay ng umano’y paggamit ng shell companies o dummy contractors para diumano sa mga kahina-hinalang kontrata sa imprastruktura.