NIA

Pananagutan ng NIA sa seguridad ng pagkain, magsasaka pinaalala

243 Views

NANAWAGAN si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ng transparency at pananagutan sa paggamit ng ₱41.6 bilyong panukalang budget ng National Irrigation Administration (NIA), kasabay ng pagbibigay-diin sa papel ng ahensya sa food security at kapakanan ng mga magsasaka.

Sa pagdinig ng Senate Finance Subcommittee “J,” binanggit ni Pangilinan na ₱32 bilyon ang inilaan para sa irigasyon ng mahigit dalawang milyong ektarya ng sakahan, ₱720 milyon mula sa Department of Agriculture (DA), at ₱500 milyon para sa upland at small water impounding projects.

“Alam natin na kapag may patubig, mas malaki ang ani. Maaari pang dumoble o tumriple. Pero kung walang tubig, walang tutubo—mula palay, mais hanggang gulay,” ani Pangilinan.

Inusisa niya kung paano i-momodernisa ng NIA ang mga sistema nito bukod sa tradisyunal na kanal, at kung paano masisiguro na hindi masasayang o mawawala sa korapsyon ang pondo.

Tinanong din ni Pangilinan kung sino ang namumuno sa NIA Board. Tugon ni Administrator Eddie Guillen: “The Executive Secretary is the Chairperson,” habang si “Undersecretary for Rice Christopher Morales” ng DA ang Vice Chair.

Ipinakita rin ni Pangilinan ang larawan sa social media ng umano’y sirang kanal na sinasabing “ghost project.” Tanong niya: “May nag-post po sa social media ng larawan na sira raw ang kanal at sinabing ghost project. Ano po ang update natin dito?”

Sagot ng opisyal mula sa regional office: “Yes, Mr. Chair. Our team conducted a site validation last October 13. We confirmed that the dam is operational. There is water flowing through the canal, and farmers are using it.”

Nang tanungin kung kailan kuha ang larawan, sagot ng opisyal: “That image was taken in 2024, right after the area was hit by a typhoon. The canal was damaged but immediately repaired.”

Tinanong ni Pangilinan: “So, hindi po ito ghost project?”
Tugon ni Guillen: “Lalong hindi ghost, Mr. Chair. Operational po, ginagamit ng mga magsasaka. Three harvests a year na po sila ngayon.”

Kinuwestyon ni Senador Robinhood Padilla ang ₱24.2 bilyong tapyas sa 2026 budget ng NIA kumpara sa 2025, kahit nasa ilalim na ito ng Office of the President.

“Dati po ang inyong ahensya ay nasa ilalim ng DA… Bakit po kayo nabawasan? Hindi ba dapat nadagdagan?” aniya.

Binigyang-diin ni Padilla na ang Department of Budget and Management (DBM), na siyang gumagawa ng National Expenditure Program (NEP), ay nasa ilalim din ng Pangulo. “Ang DBM ay nasa ilalim ng Pangulo… so bakit lumiit?”

Paliwanag ni Guillen, nadagdagan ang ilang bahagi ng budget ngunit “pagdating sa NEP, doon nag-decrease.” Hiniling niya na kung hindi madaragdagan, ibalik man lang sa lebel ng 2025 ang pondo.

Suportado ni Padilla ang panukala: “Kapartner ninyo po ako d’yan,” at sinabing makikipag-ugnayan siya kay Pangilinan para itulak ang pagbabalik ng orihinal na alokasyon.

Samantala, binatikos ni Senate Finance Chairperson Win Gatchalian ang kawalan ng detalye sa presentasyon ng budget ng NIA. Hinimok niya ang ahensya na ibalik ang itemized na pagba-budget upang masigurong umaayon ito sa master plan.

Binanggit ni Gatchalian na itemized ang mga proyekto sa GAA ng 2022 at 2023 ngunit lump sum na noong 2024 at 2025. “Kung mas maraming detalye, mas maganda para sa transparency,” aniya.

Sa 2024 budget, isinama sa isang item ang national at communal irrigation na may ₱22.2 bilyon at ₱6.7 bilyon na alokasyon. Noong 2025, ₱8.2 bilyon at ₱3.8 bilyon naman ang inilaan.

Ibinunyag din niya ang malaking budget insertion sa ilalim ng Establishment of Pump Irrigation Projects (EPIP) ng NIA: mula ₱1.72 bilyon sa NEP, tumaas ito sa ₱18.31 bilyon sa GAB ng Kamara, at lumobo pa sa ₱18.61 bilyon sa 2024 GAA.

Ayon sa NIA, ang pagtaas ay upang tugunan ang inaasahang tagtuyot dulot ng El Niño.

Nagpatotoo rin ang isang lider ng irrigators’ association na tatlong beses na silang umaani kada taon dahil sa proyekto, at humiling ng dagdag na suporta gaya ng abono at kagamitan.