DILG

Tiyak na partipasyon ng LGUs sa pagpapatupad ng ECCD isinulong

275 Views

IGINIIT ni Senador Sherwin Gatchalian ang agarang pagpapalawak ng serbisyo para sa kabataang hindi pa nakakapag-aral.

“Seventy percent talaga hindi pa nakakapag-aral because walang day care,” ani Gatchalian sa pagdinig ng panukalang 2026 budget ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Hinimok niya ang ahensya na tiyakin ang partisipasyon ng local governments sa pagpapatupad ng Early Childhood Care and Development (ECCD) program.

“Tatanungin ko, mula sa karanasan ninyo bilang dating local executive—ano ang plano ninyo sa ECCD, at paano makakatulong ang Senado para matamo ang universal coverage?” dagdag ni Gatchalian.

Tumugon si DILG Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla na balak ng ahensya ang mandatoryong national nutrition program. “Nutrition is the most neglected aspect of child development,” aniya. Naniniwala siyang sa pamamagitan ng feeding programs, tataas ang IQ development ng mga bata.

Sumang-ayon si Gatchalian at hiniling na ang pondo para dito ay samahan ng malinaw na performance metrics. Kinuwestiyon din niya ang reporma sa Seal of Good Local Governance (SGLG), at iminungkahing gawin itong term-based. “So hindi na siya every year, bagong program? It’s one term na?” tanong niya. “Sa Valenzuela, sa labas nakapaskil,” dagdag niyang patunay sa kahalagahan ng parangal sa LGUs.

Sa usapin ng SIM registration, binigyang babala ni Gatchalian ang patuloy na bentahan ng mga pre-registered SIM cards. “Ngayon may registration pero parang nakahanap ng lusot na naman,” aniya. Binanggit niyang may ulat ng pagbebenta ng SIM cards nang bultuhan.

Inamin ni Remulla na may kahinaan ang national ID system. “Our national ID system does not have a biometric feature,” tugon niya. Biro ni Gatchalian, “Kahit picture mo unggoy, pwede ka mag-register.” Iminungkahi ni Remulla na ang DILG ang manguna sa biometric registration. “Give us the money and we’ll do it in a year,” aniya.

Bilang tagapangulo ng pagdinig, binigyang-diin ni Senador JV Ejercito ang papel ng DILG sa pagpapatatag ng mga pamahalaang lokal. Hinikayat niya ang suporta para sa kanyang panukalang Master Plan for Infrastructure and National Development Act.

Sinuri rin ni Ejercito ang malaking alokasyon para sa 911 capital outlay, na kinabibilangan ng ambulansya, patrol cars, at motorsiklo. Tinanong niya si Remulla ukol sa naantalang ₱195-milyong command center project at kung bakit hindi ito tumugma sa disenyo.

Pinuna rin ni Ejercito ang maliit na daily allowance ng mga pulis na ₱150. “Parang hindi na updated, kulang talaga,” aniya. Nang ipabatid na ₱16 bilyon ang kailangan para itaas ito sa ₱350, sinabi niya, “We have to be fair—all uniformed personnel should have equal treatment.”

Nagpahayag rin ng suporta si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go sa buong panukalang budget ng DILG. “The DILG plays a vital role in ensuring not just the peace and order in our communities but as well as in our country’s economic stability,” pahayag niya. Pinuri rin niya ang sakripisyo ng mga tagapagpatupad ng batas at ang pagsusumikap ng National Youth Commission sa pagsangkot ng kabataan sa mga inisyatibo.

Dagdag rin ni Ejercito, ang pamumuno aniya ng DILG ay mahalaga sa pambansang kaunlaran at kaayusan.