Calendar
Panatilihin ₱60B pondo ng PhilHealth sa 2026 budget—Cayetano
IGINIIT ni Senadora Pia S. Cayetano na dapat mapanatili sa pambansang budget para sa 2026 ang ₱60 bilyong ibinalik sa PhilHealth alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi lamang bilang pagtupad sa direktiba kundi bilang pagsunod sa umiiral na batas.
Ayon kay Cayetano, nakapaloob na ang nasabing halaga sa bersyon ng General Appropriations Bill (GAB) ng Mababang Kapulungan, at mahalaga aniyang manatili ito sa pinal na General Appropriations Act (GAA). “The inclusion of these funds in the budget is not a matter of discretion or politics: it is a matter of compliance with the law,” ani Cayetano.
Pinaliwanag niyang ang nasabing pondo ay nakabatay sa Universal Health Care (UHC) Act at Sin Tax Reform Laws ng 2012 at 2019, kung saan nakasaad na may nakatalagang bahagi ng buwis mula sa sigarilyo at alak na dapat mapunta sa PhilHealth upang suportahan ang universal health care.
“These laws make it clear that funds from sin taxes must go to health. Diverting or withholding them is a violation of the law,” babala ni Cayetano, kasabay ng pagbanggit sa Article VI, Section 29(3) ng Konstitusyon na nagsasaad na ang buwis para sa espesyal na layunin ay dapat gamitin lamang sa itinakdang layunin.
Ang ₱60 bilyon ay bahagi ng pondong ibinalik sa PhilHealth matapos itong matanggal noong nakaraang taon, batay sa utos ni Pangulong Marcos. Binibigyang-diin ng senadora na ang usapin ay hindi simpleng pagsunod sa utos kundi pagtalima sa batas at pananagutang pampubliko.
“We must ensure that this directive is not left to pronouncements alone but enforced through the budget process, with every peso serving the health needs of our people,” dagdag niya.
Bilang tagapangulo ng Senate Committees on Energy, Sustainable Development Goals, at Ways and Means, matagal nang tinutulak ni Cayetano ang paglalaan ng pondo sa kalusugan bilang prayoridad ng pamahalaan. “Keeping the ₱60 billion in the GAA is not optional; it is a legal and moral obligation to the Filipino people,” giit niya.
“Our goal should always be to strengthen PhilHealth’s capacity to deliver on its mandate. Every peso invested in healthcare is an investment in the lives and future of our people,” pagtatapos niya.

