PCG

PCG sinuportahan ng DoTr sec

Jun I Legaspi Nov 4, 2025
291 Views

SUPORTADO ni acting Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez sa Philippine Coast Guard (PCG) sa mga pagbatikos at disinformation online kasabay ng commitment na depensahan ang integridad at pabilisin ang modernisasyon ng PCG.

“We stand firmly with the men and women of the Philippine Coast Guard. Hindi biro ang trabaho nila — they face real risks every single day to protect our maritime borders and uphold our sovereignty,” ayon kay Secretary Lopez.

Kasunod ito ng pahayag ni House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur 1st District Representative Zia Alonto Adiong na kumukundena sa mga pangungutya o online mockery laban sa PCG at sa inihain na House Bill No. 5552 na naglalayong isulong ang modernisasyon ng serbisyo ng PCG.

Binigyang-diin ni Acting Secretary Lopez na buo ang suporta ng DOTr sa PCG at sa mga tauhan nito na humahara sa banta araw-araw sa gitna ng pagdepensa sa soberanya ng bansa at pagtitiyak ng maritime safety.

“Ridiculing them or spreading fake news about their work only undermines national security. Instead, we should all support them,” ayon dito.

Nilinaw ng DOTr chief ang posisyon ng ahensya laban sa mungkahing buwagin o tanggalan ng pondo ang PCG, na itinuturing na mahalagang haligi ng national maritime security.

Inihayag din nito ang buong suporta sa House Bill No. 5552, kasabay ng pagsasabing ang panukalang batas ang magbibigay ng matagal nang hinihinging mga kagamitan, benepisyo, at pagkilala na nararapat sa Coast Guard.

Upang makatulong sa paglaban sa pagkalat ng maling impormasyon, sinabi ni Acting Secretary Lopez na mahigpit na nakikipag-ugnayan ang DOTr sa Public Affairs Office ng PCG, Presidential Communications Office, at sa Department of Information and Communications Technology upang matiyak ang napapanahon at tamang impormasyon sa publiko tungkol sa mga kaganapan sa dagat.

“We’re working closely with the PCG’s communications teams to make sure accurate information reaches the public. Misinformation is not just an online issue — it’s a national concern. We need to be united in protecting truth and trust,” ayon dito.

Nagpapatupad din ang DOTr ng mga inisyatiba para mapataas ang morale sa hanay ng Coast Guard sa pamamagitan ng pinaunlad na pagsasanay, equipment, at welfare programs.