Calendar
Panawagan ni Sotto: Due process igalang sa ICI cases
NANAWAGAN si Senate President Vicente “Tito” Sotto III ng pag-iingat at paggalang sa due process sa gitna ng ulat na inirekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pagsasampa ng plunder at indirect bribery cases laban kina Senador Jinggoy Estrada at Senador Joel Villanueva.
Ang ICI ay nilikha sa bisa ng Executive Order No. 94 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Setyembre 11, 2025. Isa itong fact-finding body na may tungkuling imbestigahan ang mga umano’y iregularidad sa mga proyekto ng imprastruktura ng pamahalaan. Maaari nitong iendorso ang mga resulta ng imbestigasyon sa Office of the Ombudsman o sa Sandiganbayan para sa posibleng kasong kriminal, sibil, o administratibo.
Sa pakikipag-ugnayan sa mga mamamahayag sa pamamagitan ng Viber group chat, binigyang-diin ni Sotto na kailangang igalang ang mga konstitusyonal, legal, at politikal na aspekto sa paghawak ng mga ganitong sensitibong usapin.
“There are constitutional, legal and political issues to these investigations. And there will be as many opinions as there are lawyers. I would rather be prudent and follow the rule of law and avoid putting the Senate in the line of fire,” pahayag ni Sotto.
Dagdag pa niya, dapat pairalin ang due process at ang sistema ng check and balance upang mapangalagaan ang karapatan ng bawat indibidwal at institusyon. “We have due process in law and a system of check and balance in the government to balance and protect the rights of individuals and institutions as well,” aniya.
Nang tanungin kung may gagawing aksiyon ang Senado o hahayaan ang mga senador na ipagtanggol ang kanilang sarili, tugon ni Sotto, “I cannot comment not knowing the background of that report.”
Ayon sa mga ulat, inirekomenda ng ICI na isampa sa Office of the Ombudsman at Sandiganbayan ang mga kaso kaugnay ng umano’y iregularidad sa mga proyekto ng imprastruktura batay sa kanilang paunang natuklasan.

