School Source: File photo

Panawagan: Suporta ng pamahalaan sa mga guro sa pribadong paaralan

229 Views

NANAWAGAN si Senador Sherwin Gatchalian sa pamahalaan na palakasin ang suporta sa mga guro sa pribadong paaralan sa pamamagitan ng pagtaas ng Teachers’ Salary Subsidy (TSS), upang matugunan ang malaking agwat sa sahod kumpara sa mga nasa pampublikong paaralan.

“The increase in Teachers’ Salary Subsidy is a way for the government to help narrow the wage gap between public school and private school teachers,” ani Gatchalian.

Dagdag pa ng senador: “Kailangan din ng mga pribadong paaralan at mga private school teachers ng suporta mula sa pamahalaan. They are our partners in delivering quality education.”

Itinutulak din ni Gatchalian ang pagpasa ng Government Assistance to Private Basic Education (GAPBE) Act, na layuning bigyang-priyoridad sa subsidiya ang mga guro sa pribadong paaralan na may mataas na antas ng pagtuturo.

“This is to incentivize private sector partners who uphold quality and help improve our learners’ performance,” aniya.

Kaugnay nito, inanunsyo ng Department of Education na itataas ang TSS mula ₱18,000 patungong ₱24,000 bawat taon para sa mga kwalipikadong guro sa pribadong paaralan, epektibo sa School Year 2025–2026.

Inaprubahan ito sa pamamagitan ng ad referendum resolution ng State Assistance Council noong Agosto 2.

Ayon kay Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara, bahagi ito ng mas pinalawak na programa ng administrasyon upang paigtingin ang tulong sa pribadong edukasyon, alinsunod sa mga layunin ng 2025 State of the Nation Address.

Matatandaang dati nang iginiit ni Gatchalian ang reporma sa Education Service Contracting (ESC) program sa ilalim ng GASTPE, matapos matuklasan na marami sa mga benepisyaryo ay hindi kabilang sa mga mahihirap.

Dahil dito, naghain siya ng panukala upang mapabuti ang pagtukoy sa tunay na nangangailangan at mapalakas ang epekto ng programa.