Calendar
Speaker Romualdez muling itinulak hazard pay para sa mga frontliners ng hustisya
MULING inihain ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang panukala upang mabigyan ng hazard pay ang mga public prosecutors o mga piskal na nalalagay sa panganib ang buhay dahil sa kanilang pagganap sa kanilang tungkulin.
Sa House Bill (HB) No. 2664 ay ipinapanukala ang P5,000 buwanang hazard pay para sa mga piskal na humahawak ng delikado at sensitibong kaso na may kaugnayan sa terorismo, ilegal na droga, katiwalian, money laundering at iba pang high-risk offenses.
Binigyang-diin ni Speaker Romualdez, isang abogado mula sa University of the Philippines (UP) at kasalukuyang pangulo ng Philippine Constitution Association (Philconsa), ang mahalagang papel ng mga pampublikong piskal sa pagpapatibay ng rule of law at sa pagbibigay-proteksyon sa mamamayan, kasabay ng pagtukoy sa seryosong banta sa buhay na kinahaharap ng mga ito, kabilang na ang dumaraming bilang ng mga pag-atake sa mga nakalipas na taon.
“In the performance of their functions, they are assigned to investigate and prosecute cases involving national security, dangerous drugs, terrorism and notorious criminals,” ayon sa pinuno ng Kamara.
“As a consequence of their duties and exposure to hazardous situations, many prosecutors have received death threats and a number of them have been killed in the line of duty,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.
Kasama ni Speaker Romualdez sa pagsusulong ng panukala bilang mga co-authors sina Tingog Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez, Andrew Julian K. Romualdez at Jude A. Acidre.
Tinukoy nila na madalas na nagiging target ng banta at karahasan ang mga piskal, kung saan hindi bababa sa 13 ang napatay habang ginagampanan ang kanilang tungkulin sa nakalipas na dekada, habang humahawak ng mga sensitibo at high-profile na kaso.
“Given the precarious nature of their work, prosecutors are thereby exposed to risks and perils to their lives,” anila.
Sasaklawin ng panukalang batas ang mga piskal mula sa National Prosecution Service ng Department of Justice (DOJ) na naitalaga sa mga high-risk na lugar o kaso, kabilang na ang may kaugnayan sa pambansang seguridad, transnational crimes at environmental offenses.
Kasama rin ang mga piskal na nakatalaga sa mga conflict zones, lugar na tinamaan ng kalamidad o mga liblib na lugar.
Ang hazard pay na ito ay hindi papatawan ng buwis at hindi makaaapekto sa anumang umiiral na benepisyo.
Inaatasan ng panukala ang DOJ at Department of Budget and Management (DBM) na bumalangkas ng implementing rules sa loob ng 60 araw matapos itong maisabatas.
Ang pondong gagamitin para sa unang pagpapatupad ay magmumula sa kasalukuyang pondo ng DOJ, habang ang susunod na pondo ay isasama sa taunang General Appropriations Act (GAA).
“This bill reaffirms the State’s duty to maintain peace and order, protect life, liberty and property, and promote the general welfare,” ani Speaker Romualdez.
Noong 19th Congress, naipasa ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang katulad na panukala.
Kumpiyansa naman si Speaker Romualdez na makakakuha ng malawak na suporta mula sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang refiled version ng panukala upang ito ay maging batas.

