Pension

Speaker Romualdez pinuri PBBM admin sa taas pensyon ng SSS na walang taas kontribusyon

403 Views

NAGPAPASALAMAT si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Social Security System (SSS) sa pag-apruba ng tig-10 porsiyentong pagtaas sa pensyon bawat taon sa loob ng tatlong taon na pakikinabangan ng may 3.8 milyong pensyonado.

Pinuri rin ni Speaker Romualdez ang inisyatibang ito ng administrasyong Marcos dahil ipatutupad ang pagtataas nang hindi itinataas ang kontribusyong kinakaltas sa sahod ng mga manggagawa.

Ayon kay Romualdez, ang nasabing hakbang ay isang mahalagang tagumpay tungo sa pagbubuo ng isang inklusibo at tumutugon na social insurance system sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.

“The multi-year adjustments for SSS pensions are long overdue, but nonetheless a welcome and necessary development for members who have dutifully paid their contributions over the years,” ani Speaker Romualdez.

“This decision reflects President Marcos’ vision for a social insurance system that genuinely works for the people, especially our elderly who deserve dignity and support after years of contributing to our nation’s economy,” dagdag pa ng mambabatas.

Binigyang-diin pa ni Speaker Romualdez na ang itinaas na pensyon ay tugon sa matagal nang hinaing ng mga retirado mula sa pribadong sektor, mga propesyonal at informal workers sa kakarampot na natatanggap nilang buwanang pensyon.

“It can be said that the old pension rates were a disservice to our elderly Filipinos. The directive of the President to raise these pensions is only the beginning of broader reforms that aim to make the SSS more compassionate, inclusive, and attuned to the realities faced by our retirees,” giit ni Romualdez.

Sa ilalim ng Social Security Commission (SSC) Resolution No. 340, series of 2025, makakatanggap ng 10 porsiyentong taunang pagtaas sa kanilang buwanang pensyon ang mga retirement at disability pensioners simula Setyembre 2025 hanggang 2027.

Samantala, makakatanggap naman ng 5 porsiyentong taunang pagtaas ang mga survivor pensioners sa parehong panahon.

Sa taong 2027, aabot na sa P2,928.20 ang minimum retirement pension mula sa P2,200, habang tataas naman ang average disability pension mula P4,963.70 sa P6,606.68.

Ang maximum retirement pension naman ay aabot na sa P29,464.68 mula sa dating P22,137.25.

Para naman sa mga survivor pensioners, tataas ang minimum na pensyon mula P2,000 sa P2,315.25, habang ang maximum ay aabot na sa P23,834.03 mula sa dating P20,200.

Ang mga pagtaas na ito ay alinsunod sa Republic Act No. 11199 o ang Social Security Act of 2018, na nagbibigay kapangyarihan sa SSS na baguhin ang mga benepisyo batay sa umiiral na kalagayang pang-ekonomiya.

Ayon kay SSS President at Chief Executive Officer Robert Joseph M. De Claro, ang ipinatupad na pagtaas sa pensyon ay bunga ng isang komprehensibong actuarial review na isinagawa sa gabay ni Finance Secretary Ralph G. Recto, upang matiyak na ang mga pagbabago ay makatarungan, at hindi makaaapekto sa katatagan ng pondo sa hinaharap.

Bagama’t inaasahang bahagyang mababawasan ang projected fund life ng SSS—mula sa taong 2053 tungong 2049—tiniyak ni De Claro na magpapatuloy ang SSS sa pagpapatupad ng mga istratehikong hakbang tulad ng pagpapalawak ng coverage at pagpapahusay ng koleksyon upang mapanatili ang katatagan ng pondo ng tanggapan.

Hinimok naman ni Speaker Romualdez ang SSS na ipagpatuloy ang mga repormang ito sa pamamagitan ng pagpapabuti sa koleksyon at mas mainam na pamumuhunan.

“As the Philippine economy strengthens under President Marcos’ administration, we call on the SSS to take full advantage of this momentum and pursue reforms that will further enhance its financial standing—allowing it to provide even better services and benefits to its members,” ayon pa sa pinuno ng Kamara.

Binigyang-diin din niya na ang layunin ay makabuo ng isang social protection system na nagbibigay ng komprehensibo at sapat na suporta—kasama na ang pensyon, maternity leave, sickness benefits, disability coverage at unemployment assistance.

“Our vision of a Bagong Pilipinas is rooted in ensuring that every Filipino sees and feels the return of their contributions to the nation—through responsive, efficient, and dignified public service.

This pension hike is a concrete step in that direction,” diin pa ni Speaker Romualdez.