Calendar
Pangilinan, Hontiveros, Aquino bumoto vs house arrest ni ex-Pangulong Duterte
PINAGTIBAY ng Senado nitong Miyerkules ang Senate Resolution No. 144 na nananawagan sa pamahalaan na hilingin sa International Criminal Court (ICC) na ilagay si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa house arrest habang nakabinbin ang paglilitis laban sa kanya. Ang resolusyon ay inaprubahan sa botong 15 pabor, tatlong tutol, at dalawang abstensiyon.
Tinutulan ang hakbang nina Senador Risa Hontiveros, Francis “Kiko” Pangilinan, at Bam Aquino. Nag-abstain naman sina Senate President Tito Sotto III at Senador Raffy Tulfo.
Ipinahayag ni Pangilinan, chairman ng Senate Committee on Justice and Human Rights, na ang kanyang pagtutol ay pag-ayon sa panawagan ng mga biktima ng war on drugs. “Libo-libo ang pinatay. Libo-libo ang nawalan ng ama, ina, anak — na ang tanging hiling ay hustisya. … Saan tayo papanig? Sa makataong konsiderasyon o sa mga sigaw na nagmamakaawa para sa hustisya?” Giit niya, hindi maaaring isantabi ang daing ng mga pamilyang naghahanap ng katarungan.
Sa plenaryo, binigyang-diin ni Hontiveros na walang malinaw na ebidensiyang pinapabayaan ng ICC ang kalagayan at kalusugan ni Duterte habang nasa kustodiya. Ayon sa kanya, ang house arrest ay magbibigay lamang ng pribilehiyong hindi karapat-dapat. “Wala tayong sapat na batayan. Wala ring indikasyon na ang ICC ay nagpapabaya sa pagbantay sa kalusugan at kapakanan ng mga taong nasa kustodiya nila,” aniya. Dagdag niya pa: “Muli, pinatutunayan nitong ang batas ay mahigpit sa karaniwang Pilipino ngunit maluwag sa makapangyarihan.”
Ang naturang resolusyon ay hindi batas at nagpapahayag lamang ng kolektibong posisyon ng Senado. Nasa ICC pa rin ang pinal na desisyon, at mahigpit ang pamantayan bago payagan ang house arrest para sa makataong dahilan.
Ang pagtutol ng tatlong senador ay nagpakita ng matinding pagkakaiba ng pananaw sa kapulungan: sa mayorya, ito’y simbolo ng malasakit sa kalusugan ng dating pangulo; sa minorya naman, pangunahing dapat bigyang-diin ang pananagutan at hustisya para sa mga biktima ng kampanya kontra-droga.

