Tulfo

Senador Raffy: FDA dapat itigil bentahan ng unregistered na produkto

209 Views

MARIIN na puna at batikos ang ibinigay ni Senador Raffy Tulfo sa Food and Drug Administration (FDA) dahil umano sa kawalan ng aksyon sa patuloy na bentahan ng mga unregistered na produkto na banta sa kalusugan ng publiko.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Finance kamakailan, kung saan tinalakay ang proposed 2026 budget ng Department of Health, kinuwestiyon ni Tulfo ang pagiging inutil umano ng mga advisories ng FDA.

Aniya, sa kabila ng pagbibigay ng mga babala sa publiko hinggil sa mga produktong walang FDA approval at may panganib sa kalusugan, wala umanong kasunod na enforcement action ang ahensya.

Halimbawa, tinukoy niya ang GlutaGenC Glow Gummies (FDA Advisory No. 2024–1390) na nagdulot umano ng pagkakasakit sa ilang mamimili, kabilang ang isang batang malubha ang kalagayan. Naitampok pa ito sa primetime news, ngunit makikita pa ring ibinebenta ang gummies sa Shopee, iba pang online platforms, at mga tindahan sa kabila ng diumanoy dinulot nitong kapahamakan sa bata.

Sa depensa naman ng FDA, ikinatuwiran nitong 890 lang daw ang kanilang plantilla employees kaya’t hindi nila kayang masubaybayan ang mga produktong ipinagbabawal. Ngunit tinutulan ito ni Tulfo, na nagsabing kahit pagtawag sa malalaking botika, tindahan, at online marketplaces ay magagawa ng kanilang tauhan para beripikahin kung patuloy pa ring ibinebenta ang mga produktong ito na balitang nagdulot ng hindi maganda para sa ilan na mamimili.

Dagdag pa niya, malamang ay may mga supplier na nagbibigay ng suhol sa ilang FDA personnel kaya’t nagbubulag-bulagan ang mga ito.