Pangilinan

Pangilinan isusulong pondo para sa Customs facility, DA inspection sites

42 Views

SUSUPORTAHAN ni Sen. Francis “Kiko” Pangilinan ang pondo sa 2027 national budget para sa pasilidad ng Bureau of Customs para sa condemned goods at unang border inspection sites ng Department of Agriculture.

Ito’y matapos madiskubre ang 26 abandonadong container ng imported onions sa Manila International Container Port.

Makatutulong ang mga pasilidad sa paghawak ng pamahalaan sa mga nakumpiskang produktong agrikultural at sa pagpapabuti ng border inspection.

Ayon sa tanggapan ni Pangilinan, umaasa ngayon ang BOC sa private contractors para sa condemnation proceedings dahil wala itong sariling pasilidad para sirain ang mga nakumpiskang contraband.

Sinabi umano ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno sa inspeksyon na walang sariling pasilidad ang bureau para sa seized contraband, ayon sa tanggapan ng senador.

“Makakaasa kayo, Commissioner, na sa 2027 budget, ilalaban natin ‘yan at dadagdagan pa natin din yung first border inspection facilities ng DA,” ani Pangilinan.

Binanggit din ni Pangilinan sa pagdinig kung saan ang condemned meat ay umano’y inilihis at naibenta bilang fish feed.

Dapat tugunan ng DA at Philippine Statistics Authority ang diperensya sa supply data, at maaaring kuwestiyunin ang budget proposals ng mga ahensya kung wala silang maipakitang sistema para pagtugmain ang kanilang mga numero.

“Hindi ko papaapruba ang budget ng DA (Department of Agriculture) at ng PSA (Philippine Statistics Authority) kung wala silang sistema na ma-re-reconcile nila yung kanilang supply numbers,” ani Pangilinan.

Ayon sa senador, kailangan ang maaasahang supply figures upang maging gabay sa import decisions at maiwasang maapektuhan ang local producers.

Binanggit din ni Pangilinan ang pagtaas ng tamang agricultural declarations at tariff collections sa ilalim ng mga operasyon ng BOC.

Sinabi ni Pangilinan na isusulong niya ang kinakailangang pondo sa 2027 budget deliberations habang sinusuri ng mga senador ang pondo para sa border inspection at paghawak sa mga nakumpiskang produktong agrikultural.