Gatchalian

Gatchalian: Kumpletong aklat para sa mga mag-aaral target ngayong taon

TARGET ng pamahalaan na magkaroon ng kumpletong aklat ang bawat mag-aaral sa lahat ng grade levels ngayong school year, ayon kay Sen. Sherwin Gatchalian.

Ayon kay Gatchalian, layunin ng pondo na makatulong upang makamit ang 1:1 textbook-to-learner ratio.

Ngayong taon, P19.5 bilyon ang inilaan para sa textbooks at iba pang instructional materials, mas mataas kaysa sa limang taong average na P5.475 bilyon mula 2021 hanggang 2025.

“Maliban sa pagkakaroon ng sapat na mga silid-aralan, ang pagkakaroon ng kumpletong mga aklat ang isa rin sa mga dapat nating bigyan ng prayoridad para sa ating mga mag-aaral.

Ang mga aklat ay pangunahing pangangailangan nila at tungkulin nating tiyakin na hindi na ito magkukulang,” ani Gatchalian.

Pangunahing pangangailangan sa pag-aaral ang textbooks, lalo na sa pagpapatupad ng curriculum para sa school year 2026-2027.

Binanggit niya ang 2024 Southeast Asia Primary Learning Metrics na nagbunyag na ang mga mag-aaral na walang sariling aklat o nakikihati sa aklat ng iba ay karaniwang nakapagtatala ng limang puntos na mas mababang marka sa reading kaysa sa mga may sariling aklat.

Batay din sa naturang pag-aaral, 52 percent ng Grade 5 learners ang may tig-iisang aklat, habang 42 percent naman ang nakikihati sa aklat ng hindi bababa sa isa pang mag-aaral.

Sinabi ni Gatchalian na dapat gawing prayoridad ang sapat na aklat para sa mga mag-aaral kasabay ng pangangailangan para sa sapat na silid-aralan.