Calendar
Pangilinan nagpugay sa mga karaniwang Pilipino na nagsasakripisyo
NAGPUGAY si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ngayong Araw ng mga Bayani sa mga karaniwang Pilipinong nagsasakripisyo at tumutulong sa kapwa, kabilang ang mga rumesponde sa mga pagbaha nitong mga nakaraang linggo.
Sinabi ni Pangilinan na bukod sa mga bayaning kinikilala sa kasaysayan, dapat ding alalahanin ang mga Pilipinong naglilingkod sa kanilang pamilya, komunidad at bayan.
“Gusto nating magpugay hindi lamang sa mga kilalang bayaning nasa libro ng kasaysayan, kundi lalo na sa mga di-kilalang Pilipino na matatapang magmahal sa bayan,” ani Pangilinan.
Kabilang sa kanyang binanggit ang mga kapitbahay, rider, social worker, health professional at volunteer na sumuong sa baha upang maghatid ng pagkain, gamot at iba pang tulong.
Nagbigay-pugay rin siya sa mga magulang, kabilang ang maraming overseas Filipino workers, na aniya’y nagsasakripisyo para maitaguyod ang kanilang pamilya.
Binanggit din ni Pangilinan ang mga environmental defender na nangangalaga sa lupa, kagubatan, karagatan at mga komunidad.
Kinilala rin niya ang mga magsasaka at mangingisda. Ayon sa senador, kabilang sa mga suliraning kinakaharap ng sektor ang manipulasyon sa presyo at smuggling.
Kasama rin sa kanyang pagpupugay ang tinawag niyang “truth-tellers,” kabilang ang mga saksi sa krimen na naninindigan sa kabila, aniya, ng pagbabanta o pagtatangkang suhulan sila.
Ginugunita ang National Heroes Day tuwing huling Lunes ng Agosto bilang pagpupugay sa mga bayaning Pilipino, kilala man o hindi. Iniuugnay ang paggunita sa sama-samang pakikibaka ng mga Pilipino noong Himagsikan ng 1896.
“’Yan ang bayaning Pilipino: Hindi nagpapasiil sa hamon ng buhay,” ani Pangilinan.
Tinapos niya ang kanyang mensahe sa isang biro kaugnay ng Ghost Month.
“Madalas natatapat ang Araw ng mga Bayani sa ghost month — paalala na ang tunay na bayani, hindi nanggo-ghost,” aniya.

