Barbers

VP Sara lawyer Poa marami pang dapat sagutin–Barbers

Mar Rodriguez Aug 31, 2026
154 Views

MARAMI pang kailangang sagutin ang defence lawyer ni Vice President Sara Z. Duterte na si Atty. Michael Poa kaugnay ng P112.5 milyong confidential funds ng Department of Education (DepEd), ayon kay House impeachment team spokesperson- adviser Robert Ace Barbers.

Hindi pa sapat ang mga sagot ni Poa sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability upang masagot ang lahat ng katanungan tungkol sa paggamit ng naturang pondo.

“Sa aking paniwala, ’yung ating nasaksihan doon sa Committee on Good Government hearing, hindi pa siya ’yung kumpleto,” sabi ni Barbers.

Inaasahang haharap si Poa sa witness stand sa susunod na linggo upang sagutin ang mga tanong ng prosecution kaugnay ng alegasyong maling paggamit, maling paglalaan at iregular na liquidation ng P112.5 milyong confidential funds ng DepEd na inilabas noong 2023.

Nauna nang humarap si Poa sa House Committee on Good Government and Public Accountability noong 2024 bilang bahagi ng imbestigasyon sa paggamit ng confidential funds ni Duterte.

Isa sa mga pangunahing isyu na pagtuunan sa impeachment trial ang papel ni Poa sa pagtugon ng DepEd sa mga obserbasyon ng Commission on Audit (COA) hinggil sa confidential funds.

Matapos makatanggap ng audit observations mula sa COA, humingi umano si Poa ng mga supporting documents at hiniling kay dating DepEd Undersecretary Nolasco Mempin na kumuha ng mga certification mula sa iba’t-ibang military units.

Kabilang sa mga aktibidad na tinukoy sa mga certification ang Youth Leadership Summits at information and education campaigns. Ang mga certification ay isinama sa mga naging tugon ng DepEd sa COA.

Sinabi ng ilang military officer na nag-isyu ng certifications sa congressional inquiry na hindi nakatanggap ang kanilang mga unit ng confidential funds mula sa DepEd para sa mga naturang aktibidad.