Rep. Marissa "Del Mar" P. Magsino

Mag-ingat sa online job applications

Mar Rodriguez Aug 30, 2026
358 Views

NAGBABALA si dating OFW Party List Rep. Marissa Magsino sa mga nagbabalak maging Overseas Filipino Worker (OFW) na mag-ingat sa mga “online job applications” na nagsasabing may magandang oportunidad sa ganitong bansa dahil maaaring ito ay front lamang ng mga sindikato ng “human trafficking.”

Pinayuhan ni Magsino ang mga Pilipino na mag-ingat sa mga nakikita nila sa social media sa pamamagitan ng “Reel” kung saan ine-engganyo ng isang Pinoy o sinumang indibiduwal ang mga manonood na magandang magtrabaho sa New Zealand, Japan, Spain, Korea, Switzerland at iba pa dahil maaari umanong ito’y malayo sa katotohanan at isang scam lamang.

Makabubuting mag-check muna ang sinumang indibidwal sa Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng “authenticity” ng nasabing anunsyo para hindi sila mabiktima ng human trafficking o illegal recruitment.

“Marami kasi ngayon sa online na dapat talaga ay nasasawata. Dapat kasi nagkakaroon ng pagche-check, pero ang nakakalungkot nga eh’ hindi na sila nabe-verify kaya napakaraming mga Pilipino ang nabibiktima,” pahayag ni Magsino.

Pinayuhan ni Magsino ang publiko na: “Kayo na mismo ang mag-due diligence. Anong ibig sabihin ng due diligence? Checking muna kung ito bang kompanyang ito ay lehitimo, check-in natin sa listahan ng DMW, sa OWWA at sa DOLE. More on DMW at OWWA. Kapag wala ito sa listahan o nasa blacklist na listahan, eh’ wait ka na muna,” sabi pa ni Magsino.

Hindi dapat basta-basta nagpapasilaw ang mga Pilipino sa pangakong magandang magtraho sa abroad sa pamamagitan ng online sapagkat naglipana ang mga scam sa social media.

Aminado ang kongresista na dahil sa kasalukuyang krisis na nararanasan ng mga Pilipino, mas madali silang nae-engganyo at napapahanga ng mga ganoong anunsiyo, lalo na sa Reel.

Hindi dapat basta-basta naniniwala ang mga Pilipino sa mga ganitong anunsiyo sapagkat gumagamit na umano ng AI or Arttificial Intelligence ang mga sindikato para manloloko ng mga tao at sa katotohanan ay magiging alipin lamang sila sa ibang bansa.

Inilahad ni Magsino na may mga kasong hinawakan ang OFW Party List sa nakaraan kung saan ganito rin ang pamamaraan ng modus o scam.