Calendar
Prosecution nagbabala: May fake news araw-araw
NAGBABALA ang House prosecution team laban sa pagkalat ng mga fake news kaugnay ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte kasunod ng pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) tungkol sa tumitinding operasyon ng dayuhang impluwensya na sumasabay sa mga kontrobersiyang kinakaharap ng bansa.
Sinabi ni House prosecution team spokesperson Robert Ace Barbers na kailangang maging mapanuri ang publiko sa mga impormasyong kumakalat online at hangga’t maaari ay direktang subaybayan ang mga ebidensiyang inihaharap sa Senate impeachment court.
“Every day may fake news,” sabi ni Barbers.
Ayon kay Barbers, kapag hindi masagot ng mga kritiko ang mga isyung inihaharap batay sa nilalaman at ebidensya, nauuwi ang ilan sa personal na pag-atake sa mga mambabatas na nagtatanong o naglalabas ng mga isyu.
Lumabas ang babala ni Barbers matapos sabihin ni retired Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, AFP spokesperson on the West Philippine Sea, na nagbabago na umano ang pamamaraan ng mga malign information operations.
Ayon kay Trinidad, mula sa mga tradisyunal na pro-Davao at pro-China narratives, mas nakikisabay na ngayon ang naturang mga operasyon sa mga kontrobersiyang lokal, kabilang ang impeachment, Sanjia at mga isyu sa flood control.
“Ngayon, mas mahirap ma-detect sapagkat impeachment sumasabay dyan, Sanjia sumasabay dyan, and other local issues; flood control sumasabay dyan,” pahayag ni Trinidad.
Sinasamantala umano ng naturang mga operasyon ang mga lokal na isyu at binabaluktot ang mga naratibo upang paboran ang China at siraan ang mga opisyal ng pamahalaang naninindigan sa mga usaping may kinalaman dito, sabi ni Trinidad.
Layunin umano ng ganitong foreign influence operations na maimpluwensyahan ang pananaw ng publiko nang hindi gumagamit ng tradisyunal na puwersang militar.
Samantala, sinabi ni AFP spokesperson Col. Francel Padilla na minomonitor ng militar ang mga kaganapan sa information space at nakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang matukoy ang katotohanan sa likod ng mga impormasyong kumakalat online.
“Our greatest weapon is the truth,” ani Padilla.
Ayon sa kanya, nagtutulungan ang intelligence at cyber units ng AFP upang mapatunayan ang mga impormasyon at makapagbigay sa publiko ng datos na nakabatay sa ebidensiya.
Binigyang-diin din ng dalawang opisyal ng AFP na dapat magsilbing dahilan ng pagkakaisa ng mga Pilipino ang usapin sa West Philippine Sea, anuman ang kanilang pulitikal, rehiyonal o relihiyosong pagkakakilanlan.
Para naman kay Barbers, mas naging mahalaga ang pagiging mapanuri ng publiko kasunod ng pahayag ng AFP tungkol sa foreign malign influence operations.
Hinimok ni Barbers ang mga Pilipino na subaybayan ang impeachment proceedings at pakinggan ang mga ebidensiyang inihaharap sa halip na umasa lamang sa mga post at naratibong kumakalat sa social media.
Nilinaw naman ng prosecution team na hindi layunin ng kanyang panawagan na ipagwalang-bahala ang mga kritisismo o magkakaibang pananaw. Sa halip, nais umano nilang matiyak na may access ang publiko sa mga katotohanan at ebidensiya upang makabuo sila ng sariling pasya.
Ayon sa dating kongresista, hindi dapat mauwi ang impeachment trial sa labanan ng mga personalidad o magkabilang political camp.
Sa huli, binigyang-diin ni Barbers na ang impeachment process ay pangunahing usapin ng pananagutan sa ilalim ng Saligang Batas at hindi lamang tungkol sa mga personalidad o pulitikal na grupo.

