Calendar
Lachica testimony ‘di na kailangan ng prosecution–Barbers
HINDI na kailangan ng House prosecution team ang testimonya ni Col. Raymund Dante Lachica upang patunayan ang alegasyon na maling paggamit ni Vice President Sara Duterte sa confidential funds, ayon kay House impeachment team spokesperson-adviser at Robert Ace Barbers.
Sapat na umano ang mga ebidensyang naiharap na sa impeachment court upang maipakita ang papel ni Duterte bilang pinuno ng ahensya at approving authority sa paggamit ng confidential funds.
“Hindi namin kailangan iyong kanyang testimonya para makapagbigay-lakas o diin dito sa aming allegation,” ayon kay Barbers.
Si Lachica, dating security officer ng Office of the Vice President (OVP), ay naging mahalagang bahagi ng testimonya ng dalawang hostile witness na iniharap ng prosecution—ang dating OVP special disbursing officer na si Gina Acosta at Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff na si Lemuel Ortonio.
Ayon kay Acosta, apat na tranche na tig-P125 milyon ng OVP confidential funds ang kanyang ipinasa kay Lachica, batay umano sa utos ni Duterte.
Hindi umano si Lachica ang special disbursing officer o fidelity-bonded accountable officer para sa naturang pondo.
Sinabi rin ni Acosta na hindi niya personal na nasaksihan kung paano ipinamahagi ang pera at umasa lamang siya sa mga ulat at katiyakang ibinigay ni Lachica sa paghahanda ng liquidation documents, kung saan nanatili siyang accountable officer.
Sinabi ni Ortonio na inaprubahan ni Duterte ang confidential fund disbursement vouchers at liquidation reports.
Kinumpirma rin umano niya na tanging ang Vice President, bilang head of agency, at si Lachica, bilang security officer, ang may personal na kaalaman kung paano aktuwal na ipinatupad ang paggamit ng confidential funds.
Ayon kay Barbers, naniniwala ang prosecution na ang mga testimonya nina Acosta at Ortonio, kasama ang mga pahayag ng mga opisyal ng Land Bank of the Philippines at mga auditor ng Commission on Audit (COA), ay sapat upang suportahan ang kanilang alegasyon sa “Article I” ng impeachment complaint hinggil sa umano’y maling paggamit ng confidential funds.

