Rep. Timothy

NV congressman kinilala sa perfect attendance sa 39 plenary sessions

Mar Rodriguez Aug 30, 2026
129 Views

KINILALA si Nueva Vizcaya Rep. Atty. Timothy Joseph Cayton na isa sa mga miyembro ng Kamara de Representantes na may perfect attendance sa 39 plenary sessions ng First Regular Session ng 20th Congress.

Sinabi ni Cayton na bilang mambabatas, tungkulin niyang gampanan ang kanyang obligasyon na pagsisilbihan ang mamamayang Pilipino lalung-lalo na ang kaniyang mga constituents.

Ang pagkilala ay isinagawa sa bisa ng House Resolution No. 1394 na kumikilala sa mga mambabatas na nagpakita ng disiplina, dedikasyon at aktibong pagtupad sa kanilang tungkulin bilang mga kinatawan ng taumbayan.

Para kay Cayton, ang pagiging present sa bawat plenary session ay hindi lamang usapin ng attendance kundi bahagi ng kanyang responsibilidad bilang mambabatas.

Mahalaga umano ang regular na pagdalo upang aktibong makilahok sa mga talakayan, mapakinggan ang mahahalagang usapin sa Kongreso at matiyak na naihaharap at naipaglalaban ang mga pangangailangan at interes ng mga Novo Vizcayano.

Sa kanyang mga tagasuporta, ang pagkakaroon ng 39 sa 39 na attendance ay nagpapakita ng kanyang pagiging palaging present sa mga sesyon ng Kongreso at sa mga usaping may direktang epekto sa kanyang mga nasasakupan.