Balita

Mas malawak na opportunities sa mga seniors sa trabaho, lipunan hiniling

Mar Rodriguez Aug 30, 2026
159 Views

ISINUSULONG ni United Senior Citizens Party List Rep. Milagros Aquino-Magsaysay ang mas malawak na oportunidad para sa mga nakatatandang Pilipino, partikular sa trabaho, social inclusion at access sa mga serbisyo ng pamahalaan.

Sa House Committee on Senior Citizens, inaprubahan ang mga panukalang naglalayong palawakin ang mga oportunidad para sa senior citizens, kabilang ang pagtatatag ng “Senior Citizens Day Care Center sa bawat barangay.”

Isinusulong din ang pagsasama ng mga serbisyo para sa senior citizens sa “eGov PH Super App” upang mas mapadali ang kanilang access sa mga government services, benepisyo at iba pang mahahalagang programa.

Itinulak ni Aquino-Magsaysay ang pag-apruba sa konsolidasyon ng anim na House Bills na naglalayong amyendahan ang Expanded Senior Citizens Act.

Layunin nitong bigyan ng mas pormal na oportunidad sa trabaho ang mga senior citizens na may kakayahan pang magtrabaho at hindi basta na lang aalisin sa workforce dahil lamang sa edad.

Ayon sa mambabatas, mahalagang kilalanin ang kakayahan, karanasan at ambag ng mga nakatatanda sa lipunan.

Sa pamamagitan ng mga panukalang ito, layunin ng House Committee on Senior Citizens na palakasin ang social inclusion ng mga nakatatanda at matiyak na patuloy silang may access sa trabaho, serbisyo at mga benepisyong nararapat sa kanila.

Iginiit ni Aquino-Magsaysay na ang senior citizens ay hindi lamang dapat ituring na benepisyaryo ng mga programa ng pamahalaan, kundi bilang mga Pilipinong may mahalagang kakayahan at karanasang maaari pa ring maiambag sa kanilang pamilya, komunidad at bansa.