DOTr

Pagpapahaba ng airport runways pinabibilisan ng DOTr

Jun I Legaspi Aug 30, 2026
140 Views

PINABIBILISAN ng Department of Transportation (DOTr) ang pagpapalawak ng mga paliparan para makapagbigay serbisyo sa mas malaking eroplano, makapagsakay ng mas maraming pasaher at makatulong maibaba ang pamasahe sa eroplano.

Sinabi ni Transportation Secretary Giovanni Lopez na prayoridad ng DOTr ang pagpapahaba ng mga runway.

“As a policy po, pagdating sa mga bagong airport natin, parati po ang ating minimum na runway ay 2,100 (meters) na po,” ani Sec. Lopez.

Kabilang sa mga malapit ng matapos maayos ay ang Busuanga Airport sa Coron, Palawan. Target ng DOTr na matapos ang 2,100 meters na runway nito sa unang quarter ng 2027.

Palalakihin din ang passenger terminal building ng Busuanga Airport.

Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Deputy Director General Danjun Lucas, gagawa sila ng mas malawak na passenger terminal building mula sa 300 seating capacity, ito’y magiging 1,500 na.

Sa Siargao airport, pahahabain din ang runway sa kabila ng mga limitasyon sa lokasyon nito.

Batay sa paunang pag-aaral, tinatayang 500 hanggang 700 metro na karagdagang haba ng runway ang kailangang gawin para sa pagpapalawak ng runway.

Iniutos ni Sec. Lopez sa CAAP ang short term solution sa paglalagay ng portable lights para kaya pa ring makaalis ng mga eroplano mula Siargao kahit gabi.

“Kasi kapag mas madaming lilipad na eroplano sa isang lugar, automatic din po yan kasi bumababa din yung pamasahe kasi mas madami,” ani Sec. Lopez.

Pinalalawak din ang Laguindingan airport sa Cagayan de Oro mula sa orihinal na design capacity na 1.6 milyong pasahero kada taon, umaabot na ng 2 milyon ang taunang bilang ng mga pasahero dito.

Target ng Aboitiz InfraCapital Inc. (AIC), private concessionaire ng Laguindingan airport, na palawakin ang kapasidad mula 3.9 hanggang 6.3 milyong pasahero.

Binibilisan din ang pagkumpleto ng Bukidnon airport para magkaroon na ng mas direktang air connectivity ang lalawigan.

Inaasahang matatapos ang airport sa December 2026 kung saan maaaring lumapag ang mga turboprop plane. Sa second quarter ng 2027 naman inaasahang matatapos yung mas pinahabang runway.