Calendar
Si Dr. Jose Antonio Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng apat na makabayan at sibikong organisasyon–ang Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI) at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement. JONJON C.REYES
Paninira kay PBBM walang pupuntahan–Dr. Goitia
KINONDENA NI Dr. Jose Antonio Goitia, chairman emeritus ng apat na organisasyon, ang isang foreign social media post na lumait kay Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sinabing mababa raw ang intelligent quotient (IQ) ng pangulo.
Para kay Goitia, malinaw na ito’y desperadong pagtatangka na siraan ang isang lider na matatag na nakatindig para ipaglaban ang sambayanang Pilipino.
“Diretsuhin na natin, malinaw na propaganda ito. Wala silang alam sa ating tunay na kasaysayan, sa ating mga pakikibaka, at ang ating mga pangarap,” sabi ni Goitia.
Itinuro ni Goitia ang pagkukunwari ng ilang dayuhang kritiko na kunwari’y nagmamalasakit sa katarungan, pero ang totoo ay bulag naman sa sariling pagsalungat.
“Ipinagtanggol ni Presidente Marcos ang West Philippine Sea (WPS) nang hindi tayo idinadawit sa mga padalus-dalos na digmaan. Pinalakas niya ang ating mga alyansa nang hindi isinusuko ang ating soberanya. Iyan ang tunay na pamumuno–mahinahon, kalkulado, at laging inuuna ang kapakanan ng bayan.”
Mariing itinanggi ni Goitia ang paratang na palpak ang Pangulo sa ekonomiya. “Patuloy na dumadami ang foreign investments, muling umaangat ang turismo, at naitatag ang pundasyong kailangan para sa matibay na kinabukasan.
Hindi kaagad ang progreso — pero malinaw ang direksyon at si Presidente Marcos ang nagtutulak nito.”
Hindi pinalampas ni Goitia ang pambabastos sa talino ni Marcos. “Ang sukatan ng talino ay hindi nakasalalay sa mga banyagang nagtatago sa likod ng kanilang mga screen.
Ito’y nakikita sa mga nagiging bunga — at sa pamumuno ni Marcos, muling naibalik ang respeto ng mundo sa Pilipinas at mas pinalakas ang ating tinig sa mga usaping pandaigdig. Iyan ang tatak ng isang marunong at matatag na pinuno.”
Para kay Goitia, ang mga ganitong atake ay patunay lamang na tinatamaan ang mga dayuhan sa ginagawa ng Pangulo.
“Ang kinatatakutan nila ay isang Pilipinas na may dangal at paninindigan. Ang kinatatakutan nila ay isang Pangulong hindi basta-basta susunod sa dikta nila. Kaya siya ang pinupuntirya.”
Tinapos ni Goitia ang kaniyang saloobin ng isang panawagan ng pagkakaisa.
“Alam ng sambayanang Pilipino kung sino ang tunay na lumalaban para sa kanila,” sabi ni Goitia.

