Chiz1

Bernardo nagbigay ng karagdagang affidavit ukol sa pakikipag-ugnayan kay Sen. Chiz

395 Views

NAGBIGAY ng karagdagang affidavit si dating DPWH Undersecretary Roberto R. Bernardo upang linawin ang kanyang naunang salaysay sa Senate Blue Ribbon Committee kaugnay ng mga proyekto sa imprastruktura at mga umano’y pakikipag-ugnayan kay Senador Francis “Chiz” Escudero.

Ang dalawang pahinang sinumpaang salaysay na may petsang Setyembre 25, 2025 ay isinumite sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) bilang bahagi ng imbestigasyon sa mga iregularidad umano sa flood control projects.

Ayon kay Bernardo, inatasan siyang linawin ang banggit niya kina negosyanteng si Maynard Ngu at Senador Escudero.

Inilarawan ni Bernardo si Ngu bilang matalik na kaibigan at campaign donor umano ni Escudero. Ayon sa kanya, noong Agosto 2022, sa gitna ng confirmation hearing ni DPWH Secretary Manuel Bonoan, tinawag siya ni Escudero sa isang pribadong silid kung saan binanggit ng senador ang tungkol sa mga streetlight project sa Sorsogon. Ipinasa raw niya ang impormasyong ito kay Secretary Bonoan.

Dagdag pa niya, nakatanggap siya mula sa bayaw umano ni Escudero ng listahan ng mga proyekto, kasama na ang streetlights, upang beripikahin kung ito nga ang tinutukoy ng senador.

Noong 2023, sinabi ni Bernardo na ipinatawag siya ni Ngu sa isang pribadong lugar sa Taguig upang makipagpulong kay Escudero ukol sa pagpapatupad ng mga proyekto ng DPWH. Isa pa umanong engkuwentro ang naganap noong Hulyo 2025, kung saan parehong naroroon sina Escudero at Ngu, at binati umano siya ng senador at nagpasalamat.

Nilinaw rin ni Bernardo na ang sinasabing ₱160 milyon na cash delivery na nabanggit niya sa kanyang orihinal na affidavit ay umano’y naganap sa unang bahagi ng 2025. Ang supplemental affidavit ay notaryado at may legal na kinatawan.

Sa kanyang pahayag sa publiko sa parehong araw, mariing itinanggi ni Senador Escudero ang mga paratang: “I vehemently deny the malicious allegations and innuendos made by former DPWH Usec. Roberto Bernardo… I will prove that he is lying about my alleged involvement.”

Iginiit ni Escudero na siya ay pinupuntirya: “For more than 27 years in public service, I have never once been charged with any corruption.” Aniya, may ibang personalidad din na nabanggit sa mga affidavit na hindi nabibigyan ng parehong atensyon.

Hanggang sa oras ng publikasyon, wala pang pormal na kasong isinampa laban kay Senador Escudero. Ang lahat ng mga nabanggit sa anumang affidavit o pagdinig ay nananatiling inosente. Patuloy ang pagrepaso ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga testimonya at dokumento, habang pinag-aaralan ng DOJ ang kahilingan ni Bernardo na mapabilang sa Witness Protection Program.