Calendar
Panukalang ‘free housing’ sa government land isinusulong sa Senado
ISINUSULONG sa Senado ang panukalang magbibigay sa mga kwalipikadong pamilyang ng karapatang manirahan at gumamit ng government land at housing units ng hindi inililipat sa kanila ang pagmamay-ari ng ari-arian.
Sa kanyang sponsorship ng Senate Bill No. 2421 o Free Housing Through Usufruct Act, sinabi ni Sen. Francis “Chiz” Escudero na gagamitin ng panukala ang “usufruct,” na kaayusan kung saan maaaring gamitin at pakinabangan ng isang tao ang ari-arian habang nananatili sa may-ari ang titulo.
Ayon kay Escudero, saklaw ng panukala ang mga underprivileged at homeless Filipino citizens na walang sariling real property at hindi professional squatters o miyembro ng squatting syndicate.
Sa ilalim ng panukala, hindi magiging pag-aari ng beneficiary ang bahay o lupa. Mananatili sa gobyerno ang ownership habang bibigyan ang kwalipikadong pamilya ng karapatang manirahan at gumamit ng property alinsunod sa usufruct agreement.
Ang bawat agreement ay dapat nakasulat at magtatakda ng mga karapatan, obligasyon at kondisyon para sa patuloy na paggamit ng property.
Ayon sa SB 2421, responsibilidad din ng beneficiary ang maintenance ng property at pagbabayad ng utilities.
Ipinagbabawal ng panukala ang pagbebenta, paglilipat, pagsasangla o pagpapaupa ng housing unit sa ibang tao. Nakasaad sa panukala na ang paglabag ay maaaring magresulta sa pagkawala ng karapatang gamitin ang property at disqualification sa government housing programs sa loob ng 10 taon.
Inaatasan din ng panukala na irehistro ang usufruct agreement sa Registry of Deeds. Ang Department of Human Settlements and Urban Development ang mangangasiwa sa implementation, habang may papel ang mga local government unit sa pamamahala ng mga property at access sa basic services.
Layunin ng mga safeguards na pigilan ang abuso habang nagbibigay ng mas matatag na paninirahan sa mga kwalipikadong beneficiary.
Ang usufruct ay hindi bagong konsepto sa batas ng Pilipinas. Kinikilala ito sa Civil Code at ginagamit din bilang isa sa mga housing arrangements sa ilalim ng mga umiiral na batas sa socialized housing.
Gayunman, ang SB 2421 ay naglalayong magtatag ng hiwalay na programa para sa tinatawag na free housing through usufruct.
Maaaring makinabang dito ang mga pamilyang hindi kayang magkaroon ng sariling bahay, ngunit ang aktuwal na bilang ng mga magiging beneficiary ay nakadepende sa kwalipikasyon, available government properties at pagpapatupad ng programa
