Calendar
Cayetano sa Taguig lakeshore: Mga proyekto pwedeng inspeksiyon
IGINIIT ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na maaaring inspeksiyunin ang mga proyekto sa Taguig Lakeshore upang beripikahin ang mga alegasyon ni Sen. Panfilo Lacson tungkol sa umano’y “ghost” at iba pang maanomalyang proyekto sa lugar.
“Ito yung infrastructure project. Kaya pwede mong puntahan, pwede mong tignan, pwede mong imbestigahan, pwede mong testingin,” ani Cayetano.
Sinabi noon ni Lacson na nakatukoy ang kanyang grupo ng 32 umano’y maanomalyang flood control projects sa Taguig. Kabilang sa kanyang mga alegasyon ang “ghost” projects, double appropriations, paggamit ng parehong litrato sa billing ng magkaibang proyekto at reclamation works na sinasabi niyang walang kinakailangang permit.
Itinanggi ni Cayetano na may ghost projects sa Taguig at sinabing noong nakaraang taon pa niya hiniling sa Department of Public Works and Highways na isa-isang suriin ang mga proyekto.
Gayunman, sinabi ni Cayetano na may ilang proyektong nagkaroon ng problema ngunit iniulat umano ang mga ito sa DPWH at inaaksiyunan na.
Iniugnay ni Cayetano ang kanyang depensa sa World Lake Day at sa konsepto ng “stewardship,” o responsableng pangangasiwa sa yamang pampubliko.
“Ang pagiging sa gobyerno, ang pagiging public servant — hindi po kami ang may-ari ng resources… Kami po ay stewards, tagapamahala lang,” aniya.
Ayon kay Cayetano, ang C6 road dike at iba pang lakeshore works ay ginawa para sa flood at erosion protection at upang mapanatiling nagagamit ng publiko ang lugar.
Sinagot din ni Cayetano ang mga alegasyon tungkol sa pangangamkam ng lupa.
May humigit-kumulang 1,100 ektarya sa labas ng road dike na kinabibilangan ng pribado at government property, at iginiit na gumawa ang lokal na pamahalaan ng paraan upang mapanatiling pampubliko ang ilang lugar.
Nauna namang sinabi ni Lacson na may mga bahagi ng Laguna Lake sa Taguig na umano’y na-reclaim nang walang kinakailangang permit. Ang mga usapin sa reclamation at permits ay nananatiling paksa ng pagsusuri ng mga kinauukulang ahensiya.
Hinimok din ni Cayetano ang Laguna Lake Development Authority at iba pang ahensiyang nangangasiwa sa mga lawa na maging mas aktibo sa paggunita ng World Lake Day.

