Calendar
Papel ni VP Sara sa paggamit ng confi funds makikita sa dokumento–Barbers
BINIGYANG-DIIN ni ex-Surigao del Norte 2nd District Representative at ngayo’y adviser ng House Impeachment Team na si Robert Ace Barbers na makikita sa mga dokumento ang naging papel ni Vice President Sara Duterte sa bawat paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Barbers, mahalaga ang tinatawag na “paper trail” dahil iniuugnay nito ang bise presidente sa proseso mula sa paghiling, pagpaplano, pagpapatupad hanggang sa liquidation ng pondo.
“Ang mga dokumento ay hindi naman nagsisinungaling. May request ang pondo, may pirma ang ating Pangalawang Pangulo. Nung nagsumite ng physical and financial plan, may pirma ang ating Pangalawang Pangulo,” sabi ni Barbers.
Dagdag pa ni Barbers, maging ang liquidation report na isinumite sa Commission on Audit (COA) ay may lagda rin ni Duterte.
Samantala, sinabi ni Deputy Speaker Francisco Paolo P. Ortega V na naging mas malinaw ang testimonya ni OVP Assistant Secretary at Assistant Chief of Staff Lemuel Ortonio matapos siyang tanungin ni Senate Impeachment Court Presiding Officer Sen. Francis “Chiz” Escudero.
“Nung si Presiding Officer, si Senator-Judge Chiz Escudero, na yung nagtanong, ang naintindihan ko po: merong utos at merong instructions galing sa head of office na gamitin at gastusin yung confidential funds,” ani Ortega.
Ayon kay Ortonio, ang kanyang pagkaunawa ay alam ni Duterte, bilang head of the OVP, kung paano ipinatupad ang confidential funds.
Nauna nang sinabi ng dating OVP special disbursing officer Gina Acosta na inatasan siya ni Duterte na i-turn over sa Col. Raymund Dante Lachica ang mga tranche ng confidential funds ng tanggapan.
Para kay Barbers, hindi maaaring ihiwalay ang testimonya ng mga testigo sa mga dokumentong may mga lagda.
“Hindi pwedeng itago na may kinalaman ang ating Pangalawang Pangulo,” ani Barbers.
