Calendar
Patuloy na pagkalat ng kaso ng lepto hiniling pigilan ng gobyerno
“NAKAAALARMA na.”
Ito ang mariin na reaksyon ng bagitong senadora kung saan ay nais niyang kumilos ng agaran ang mga tamang ahensiya ng gobyerno.
Hiniling ni Senador Camille Villar ang agarang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng leptospirosis sa bansa, kasabay ng panawagang repasuhin ang mga hakbang ng Department of Health (DOH) at iba pang kinauukulang ahensya upang mapigilan ang pagkalat ng sakit at mapababa ang bilang ng mga namamatay.
Ang panukalang imbestigasyon, na isasagawa bilang tulong sa paggawa ng batas, ay naglalayong paigtingin ang mga polisiya at programang nakatuon sa pag-iwas at pagkontrol ng sakit—lalo na sa mga lugar na lantad sa matinding pagbaha.
“Leptospirosis disease is a serious public health problem, mainly affecting the productive age group and those living in flood-prone areas,” ani Villar.
Binigyang-diin ng senadora ang pangangailangan ng mas malawak na kampanya sa impormasyon, agarang pagbibigay ng lunas, at pagsasagawa ng mga konkretong hakbang upang mabawasan ang panganib at pagkamatay mula sa naturang sakit.
Batay sa ulat ng DOH, mula Hunyo 8 hanggang Agosto 7 ay nakapagtala ng 2,396 kaso ng leptospirosis sa buong bansa—pinakamataas sa National Capital Region. Dahil dito, ilang ospital sa Metro Manila ang nagbukas ng mga “fast lane” upang mapabilis ang pagtanggap at paggagamot sa mga pasyente.
Bagaman iniulat ng DOH na bahagyang bumagal ang pagtaas ng mga bagong kaso, iginiit ni Villar na dapat pa ring bantayan ang mga lugar sa labas ng Metro Manila na apektado rin ng pagbaha.
“The rising figures are reflective of a broader public health concern,” aniya.

