BBM Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

PBBM binalaan trader vs manipulasyon ng presyo ng bigas

378 Views

NANGAKO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Lunes na magsasagawa ng matitinding hakbang laban sa mga mapagsamantalang negosyanteng nagmamanipula sa presyo ng mga produktong agrikultural, lalo na sa bigas.

Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) na ginanap sa Batasang Pambansa sa Quezon City, iginiit ni Marcos na nakatuon ang kanyang administrasyon sa pagbuwag ng mga operasyon ng smuggling at sa paghahabol sa mga lumalabag sa batas, kung saan ay posibleng kasuhan ng economic sabotage.

“Binabalaan ko ang mga trader na magtatangkang mag-manipula ng presyo ng palay o ng bigas, o manloloko ng mga magsasaka. Hahabulin namin kayo, dahil ang trato namin sa inyong ginagawa ay tinuturing naming economic sabotage,” ani Marcos.

Noong Setyembre 2024, nilagdaan ni Marcos ang Republic Act (RA) 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, na nagtuturing sa smuggling, hoarding, profiteering, cartel at pagpopondo ng mga ganitong gawain kaugnay sa produktong agrikultural at pangisdaan bilang mga anyo ng economic sabotage.

Ayon sa nasabing batas, ang sinumang lalabag ay papatawan ng habambuhay na pagkakakulong at multang katumbas ng limang beses ng halaga ng mga produktong sangkot sa krimen.

Sa kanyang ikatlong SONA, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagpapababa ng presyo ng bigas at iba pang mahahalagang bilihin sa pamamagitan ng pagpapalakas sa lokal na produksyon, pagsuporta sa sektor ng agrikultura at pangisdaan—mula pagtatanim, pag-ani, transportasyon, hanggang sa pagbebenta—at sa pagbawas ng mga pagkalugi.

Ang layunin ni Marcos na pababain sa P20 kada kilo ang presyo ng bigas ay tinawag na ngayong isang “natupad na pangako” dahil ito ay naipatupad na sa pamamagitan ng mga Kadiwa store sa buong bansa.

Dahil sa extraordinary o labis na pagtaas ng presyo ng bigas, nagdeklara ang Department of Agriculture (DA) ng food security emergency noong Pebrero upang payagang gamitin ang mga rice buffer stock at mapatatag ang presyo ng bigas.

Ngayong Hulyo, lalo pang pinaigting ni Marcos ang kampanya laban sa agricultural smuggling, hoarding at profiteering, na nagresulta sa pagkakakumpiska ng higit P3.09 bilyon halaga ng smuggled rice at agri-fishery products.

Nakipagtulungan din ang DA sa Philippine National Police (PNP) upang palakasin ang mga hakbang kontra agricultural smuggling. Philippine News Agency